GMRC, IBABALIK SA ESKWELAHAN

TILA nababalewala at limot na ng mga kabataan ang kaugalian ng pagiging magalang tulad ng pagsasabi ng ‘po’, ‘opo’, ‘salamat po’ at ‘excuse me’ kaya nangako si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na imumungkahi niya ang pagbabalik ng kagandahang asal o good manners and right conduct (GMRC) sa mga kabataan sa  lungsod ng Maynila.

Kasabay nito ang paghikayat sa lahat ng mga magulang na simulan na itong ituro sa kanilang mga anak.

Ayon sa alkalde, ang pamahalaang lokal ay maglalaan ng pondo para ganap na masuportahan ang implementasyon ng Republic Act 11476 o GMRC and Values Education Act, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Hunyo at nagtatakda sa GMRC bilang subject o aralin sa ilalim ng K-12 curriculum.

Kaugnay ng layunin ni Duterte, nangako si Moreno na isasama ang GMRC sa curriculum sa pamamagitan ng aktibong kampanya sa pagbabalik ng mabuting asal na nakaliligtaan na sa panahon ngayon dahil sa labis na kaabalahan ng kasalukuyang henerasyon sa makabagong kultura, teknolohiya na nagkakaloob sa kanila ng walang limit na paraan upang makuha ang lahat ng uri ng impormasyon.

Ang bagay na ito ay ipinahayag ni Moreno sa isang pulong sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) and Division of City Schools-Manila, sa pangunguna ni Superintendent Magdalena Lim, kung saan nangako rin ng suporta ang alkalde sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) program upang paunlarin pa ang potensyal ng mga mag-aaral sa lungsod sa nasabing larangan.

Dahil nagmula sa paaralan kung saan ang GMRC ay itinuturo bilang isang buong aralin, sinabi ng alkalde, nakikita niya ang halaga at kung paano siya at ang mga kabataan ay hinulma upang maging mamamayan na may takot sa Diyos, may mataas na paggalang sa mga nakatatanda, kababaihan, magulang at kapwa, hindi lamang sa loob ng paaralan kundi sa tahanan, lipunan at sa pamahalaan.

“Being taught these values during a person’s formative years will eventually also instill the values of discipline and compassion for other, from where a lot of good things may spring such as good behavior, integrity, morality, honesty, discipline, respect, patriotism, civility, responsibility and over-all good character,” dagdag pa ng alkalde.

Sa nasabing pulong, ipinabatid sa alkalde na wala pang nabubuong implementing rules and regulations para sa nasabing batas sa GMRC.

Gayunman, tiniyak ng alkalde ang pagbibigay niya ng suporta ng pamahalaang lokal para dito.

Sinabi pa nito, ang GMRC at Values Education Act ay ginawang batas dahil sa normal na kalakaran na mas mahaba ang oras ng mga bata sa paaralan kaya naman hinihikayat ang mga magulang at guardian na i-follow-up ang pagtuturo ng kagandahang asal sa kanilang mga anak sa loob ng bahay.

Ngunit dahil napalitan na ng online classes ang dating face-to-face classes kaya inaasahan na mas mahaba ang oras ng mga bata sa loob ng bahay kasama ng kanilang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya dahil na rin sa pandemya.

Dahil dito, umapela ang alkalde sa mga kasama sa bahay ng mga bata na palagian silang turuan ng kagandahang asal at itanim ang halaga ng GMRC sa mga mag-aaral. (RENE CRISOSTOMO)

231

Related posts

Leave a Comment