GOITIA NANAWAGAN NG MATIBAY NA PANININDIGAN SA SOBERANYA NG PILIPINAS

NANAWAGAN si Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia sa publiko na maging mapanuri sa mga kumakalat na pahayag sa social media kaugnay ng West Philippine Sea na umano’y nagpapahina sa soberanya ng bansa.

Binigyang-diin ni Goitia na panahon na umano ngayon ng linaw at matibay na paninindigan sa gitna ng mga naratibong nagdudulot ng pagdududa sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan.

“Kapag ang pagdududa na walang batayan ay tinatanggap bilang normal, ang pag-iingat ay nagiging anyo na ng pagsuko,” ani Goitia.

Ipinaliwanag niya na magkaiba ang West Philippine Sea at ang Exclusive Economic Zone (EEZ), kung saan ang EEZ ay isang legal na sona sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Giit ni Goitia, ang karapatan ng Pilipinas sa karagatan ay nakabatay sa umiiral na internasyonal na batas at hindi sa katawagan lamang.

Nilinaw rin niya na hindi kailanman naging malabo ang paninindigan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal na ipinagtatanggol bilang bahagi ng EEZ ng bansa.

Aniya, malinaw sa arbitral ruling noong 2016 na may karapatan ang Pilipinas na ipagtanggol ang likas-yaman at panatilihin ang presensya nito sa loob ng EEZ.

“Hindi kailangang angkinin ang lupa upang ipagtanggol ang karapatan sa dagat,” diin ni Goitia.

Idinagdag pa niya na ang presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay ligal at naaayon sa batas.

Nanawagan din si Goitia sa publiko na maging mapanuri sa mga pro-China na naratibong kumakalat online na umano’y nagpapahina sa paninindigan ng bansa.

27

Related posts

Leave a Comment