PINAGMUMUKHANG timawa at kinakawawa ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga government hospital.
Ito ang isa sa mga lumabas sa joint hearing ng House committee on public account na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Committee on good government
and public accountability ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado.
“Napakasakit na may overpayments sa sindikato pero yung legal na dapat bayaran para sa mamamayang Filipino hindi nababayaran,” pahayag ni Alvarado kaugnay ng natuklasan na
nagkaroon ng overpayment ang PhilHealth na umaabot sa P153 bilyon mula noong 2014 hanggang 2018 dahil sa all case rate policy.
Ayon sa mambabatas, sa Heart Center pa lamang ay umaabot na sa P322 milyon ang hindi nababayaran ng PhilHealth hanggang noong Abril 30, 2020 habang P73 milyon ang atraso ng mga
ito sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Kahit sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City ay P134.6 milyon ang utang ng PhilHealth.
Maging sa mga district hospital sa Bulacan aniya na P1 milyon ang sinisingil sa PhilHealth ay hindi pa binabayaran gayung kapag pribadong ospital ay mabilis magbayad ang mga ito na may
overpayment pa.
“It’s very obvious that PhilHealth preferred private hospitals over government hospitals. And have in fact paid out even those that have not been accredited. This is where we have the so-called
‘ghost patients.’ Our hospitals have not been paid since April,” ayon naman kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte.
Ikinadismaya rin ni Defensor ang natuklasan na kahit walang kumpletong dokumento sa mga private hospital ay binabayaran ang mga ito ng PhilHealth.
KINASTIGO
Kaugnay nito, kinastigo naman ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang kabagalan ng pagbabayad ng PhilHealth sa corona virus 2019 (COVID-19) test na isinagawa ng pribado at
pampublikong ospital sa kanilang miyembro.
Sa pahayag, sinabi ni Recto na maituturing na bagong speed test sa PhilHealth kung gaano nila kabilis bayaran ang mga ospital para sa COVID-19 screening upang mapabulaanan ang
dumadaming reklamo hinggil sa kabagalan nilang magbayad sa mga frontline facilities.
Sinabi ni Recto na isinagawa nito ang hamon matapos lumikha ng “side-by-side comparison” ng pagbabayad para sa COVID-19 tests kumpara sa isinagawang test sa buong bansa.
Dumagdag pa dito ang reklamo ng ilang mayor at ospital sa pinakamaraming populasyon sa limang lalawigan sa Southern Tagalog region dahil naantala ang kanilang reimbursement kaya nauubos na ang kanilang pondo upang tugunan ang pandemya.
“As of August 10, total payouts of PhilHealth for COVID tests was P380 million. It is a mere drop in the billions of pesos that we’ve been hearing that PhilHealth had spent or keeps in reserve,” aniya.
“If PhilHealth can give cash advance to dialysis clinics, how come this scheme does not seem to work on a procedure that is vital in fighting this virus?” giit ni Recto na tumutukoy sa Interim
Reimbursement Mechanism ng PhilHealth. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
185 