GOV’T AGENCIES AT LGUs PINAKILOS SA PAGHAHANDA LABAN SA EL NIÑO

PINAGHAHANDA na ng administrasyong Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan at local government units (LGUs) laban sa inaasahang mas matinding epekto ng El Niño sa Enero 2027 upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig, pagkain at kuryente, gayundin ang proteksyon sa kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino.

Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang pagpupulong ng mga pangunahing ahensya at lokal na opisyal noong Nobyembre 4 upang pag-ibayuhin ang paghahanda ng bansa.

Binigyang-diin ni Recto na dapat unahin ang mga komunidad na higit na nanganganib sa kakulangan ng tubig, matinding init, pagkasira ng pananim at posibleng problema sa suplay ng kuryente.

“Mararamdaman ang El Niño sa buong bansa, pero iba-iba ang magiging epekto nito sa bawat lugar. May komunidad na tubig ang pangunahing problema. Sa iba, kuryente o matinding init. Kaya dapat alam natin kung sino ang pinakananganganib at anong tulong ang kailangan nila,” ani Recto.

Kabilang sa mga lugar na binabantayan ang Pampanga at Cavite dahil sa posibleng problema sa suplay ng tubig.

Hiniling din ni Recto sa mga samahan ng LGU na tukuyin ang pangangailangan ng kanilang mga miyembro, kabilang ang mga generator, solar power system at imbakan ng tubig.

Bukas din ang kalihim sa pagrepaso sa mga prayoridad ng Local Government Support Fund (LGSF) upang matulungan ang mga LGU na pondohan ang kanilang paghahanda.

Samantala, tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat pa ang suplay ng tubig. Noong Nobyembre 3, nasa 208.70 metro ang water level ng Angat Dam, mas mataas sa minimum operating level na 180 metro.

Gayunman, patuloy ang paghahanda upang maiwasan ang kakulangan sa tubig, kabilang ang maingat na pamamahala sa suplay mula sa mga dam, paghahanap ng alternatibong pinagkukunan ng tubig at pagpapalakas ng mga programa sa pagtitipid.

Nag-alok naman ang Department of Health (DOH) na tulungan ang mga LGU sa pagsusuri ng mga bagong pinagkukunan ng tubig upang matiyak na ligtas itong inumin.

Para naman sa suplay ng kuryente, sinabi ng Department of Energy (DOE) na pinaiigting nito ang maintenance ng mga planta, pinabibilis ang pagproseso ng mga permit at tinitiyak ang sapat na reserba ng gasolina at iba pang panggatong.

Pinalalawak din ang paggamit ng battery storage at mga programa sa pagtitipid ng enerhiya upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga ospital, paaralan at pasilidad ng tubig.

Tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa habang patuloy na minomonitor ang presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ang bigas.

Kabilang sa mga paghahanda ang pagpapalawak ng solar-powered irrigation systems sa pakikipagtulungan ng National Irrigation Administration (NIA) upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon sa kabila ng kakulangan sa ulan.

Iniutos din ng Pangulo na pasimplehin at pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda upang agad nilang matanggap ang tulong.

Para naman sa mga manggagawa at pamilyang maaaring mawalan ng kabuhayan, nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng pansamantalang trabaho at iba pang ayuda.

Maaari ring gamitin ang Emergency Cash Transfer program ng DSWD upang magbigay ng direktang tulong pinansyal sa mga indibidwal at pamilyang maaapektuhan ng kalamidad at iba pang krisis.

(CHRISTIAN DALE)

45

Related posts

Leave a Comment