TAHASANG tinawag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na “manhid” ang China sa mga diplomatikong pahayag matapos muling kuwestiyunin ng Beijing ang makasaysayang batayan ng Pilipinas sa pag-aangkin sa Batanes Islands.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa China kaugnay ng panibagong pagkuwestiyon nito sa pag-aangkin ng Pilipinas sa pinakahilagang lalawigan ng bansa, sinabi ni Teodoro na tila walang saysay ang direktang pakikipag-usap sa Beijing.
Ayon sa kalihim, hindi nakikinig ang China sa mga panawagan at nananatiling manhid sa mga diplomatikong pahayag.
Kasunod ito ng mariing pahayag ng Pilipinas na hindi pag-aari ng China ang Batanes Islands.
Dahil dito, nanawagan si Teodoro sa mga Filipino na huwag maniwala sa mga pekeng naratibong ipinakakalat ng China at patuloy na suportahan ang mga sundalong nagtatanggol sa interes at soberanya ng bansa.
Binigyang-diin niya na bahagi ng tungkulin ng mga sundalo, kabilang ang mga naglilingkod sa Ayungin Shoal, ang paglaban sa disinformation at misinformation na maaaring makasira sa paninindigan ng Pilipinas.
Mariin ding itinanggi ni Teodoro ang mga pahayag ng China na kumukuwestiyon sa soberanya ng Pilipinas sa Batanes, at iginiit na may sapat na legal at makasaysayang batayan ang bansa upang ipagtanggol ang pag-aangkin nito.
(JESSE RUIZ)
20 