GOV’T TO GOV’T DEALS SA FERTILIZER ISUSULONG NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

TARGET ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isulong ang government-to-government talks para tugunan ang tumataas na presyo ng fertilizers.

Naniniwala kasi si Pangulong Marcos na maaaring makabili ang pamahalaan ng mas murang fertilizers sa pamamagitan ng government-to-government deals.

Kinokonsidera ng Chief Executive ang makipag-usap sa China, Indonesia, United Arab Emirates, Malaysia at Russia para sa pagbili ng fertilizers.

“Gusto tayong tulungan, gusto tayong lapitan, eh ‘di take advantage naman tayo, ‘di ba? Sige bigyan ninyo kami ng fertilizer na medyo maganda-ganda ang presyo. That’s the whole point of G2G,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang meeting kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture.

“I’m thinking would it be useful for us if sulatan ko silang lahat… and I’ll say that we are in the market to buy this volume of fertilizer,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, inatasan naman ng Punong Ehekutibo ang mga opisyal ng DA na mag-provide ng data hinggil sa “source and price” ng fertilizers” at ang distribution plan ng departamento sa planting season.

Itinutulak din ng Pangulo ang farm-to-market road masterplan na ayon sa kanya ay makatutulong na tiyakin ang food security sa bansa.

Ang FMR masterplan ayon kay Pangulong Marcos ay magsisilbing gabay ng gobyerno sa pagpo-promote ng food security at naglalayong palakasin ang rural communities.

Sa isang pulong sa Bureau of Soils and Water Management Convention Hall sa Quezon City, sinabi ni Pangulong Marcos, kasalukuyang pinuno ng DA, sa mga agriculture official na ang masterplan ay dapat kinabibilangan ng regional maps kung saan nakadetalye ang eksaktong lokasyon ng farm-to-market roads na itatayo.

“The masterplan must be studied thoroughly by the department and must be presented to the country’s economic managers,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Dapat din nakapaloob sa plano ang “funding source, payment terms, as well as the time frame for project completion.”

Bukod dito, nais din ng Pangulo na ang official development assistance-funded (ODA) projects ay itatayo sa priority areas na kinikilala ng pamahalaan.

Para naman sa state-funded FMR projects, iginiit nito na ang DA at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay dapat mag-take charge sa implementasyon.

Dapat din aniya na iprayoridad ng pamahalaan ang mga lugar na may aktibong agricultural production para tugunan ang suplay ng tinatawag na “chain concerns.”

“FMR is the first step to solve some of the supply chain problem. So unahin muna natin ‘yung nagpo-produce,” ayon sa Pangulo.

Ipinanukala na aniya na ang agricultural infrastructure ay dapat climate-change resistant gaya ng mga proyekto na hindi ‘prone’ sa landslides at iba pang kalamidad.

233

Related posts

Leave a Comment