AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
SINABI ni Senador Win Gatchalian na kailangang magpatupad ang gobyerno ng upskilling programs bilang bahagi ng medium-to-long-term policy response ng pamahalaan para sa reintegration ng overseas Filipino workers (OFWs).
Bahagi ang naturang panukala ng preliminary report ng Senate PROTECT Committee para sa OFWs na inilikas mula sa Gitnang Silangan.
Ayon sa senador, ang pagpapalawak sa reskilling and upskilling programs ay para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho.
Sa ilalim ng 2026 national budget, P8 bilyon sa pondo ng TESDA ang inilaan para sa Training for Work Scholarship Program, samantalang P3.7 bilyon naman ang inilaan para sa Special Training for Employment Program.
Inaasahang makatutulong ang mga naturang programa sa OFWs na makahanap ng trabaho at magkaroon ng iba pang mga oportunidad sa kanilang reintegration.
Batay sa pagsusuri ng senador, maaaring umakyat ang bilang ng mga walang trabaho at mga underemployed kung umabot ng 90 araw ang tunggalian sa Gitnang Silangan.
Sakop ng naturang pagsusuri ang limang apektadong bansa, kabilang ang Saudi Arabia, Qatar, at ang UAE, kung saan matatagpuan ang pinakamalaking bilang ng land-based OFWs, batay sa datos noong 2025.
“Tiyakin nating handa ang ating OFWs sa mga bagong oportunidad sa bansa upang mabigyan sila ng mas matibay na pag-asa sa buhay,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng PROTECT Committee.
Nakasaad din sa panukalang reintegration framework ang mapping ng skills sa domestic labor market demands, targeted job placement programs, at access sa abot-kayang financing.
Maraming kababayan natin na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan na apektado ng sigalot sa pagitan ng Amerika, Israel at Iran, ang napilitang umuwi sa bansa dahil sa takot na madamay sila sa kaguluhan.
Kung wala silang pagkakakitaan pagdating sa bansa, apektado ang kanilang buong pamilya na kanilang pinadadalhan ng pera habang nasa abroad sila.
oOo
Pinasasalamatan natin ang ating mga kaibigang Mason na pawang mga negosyante na dumalaw sa atin, sina Jun Edric Deri, Carlo Federizo, Chito Palacay, Gilbert Geroy at Richard Brioso. Mabuhay kayo, mga Sir!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
38 