KUNG pagbabatayan ang bilang ng mga apektadong indibidwal sa ipinatutupad na granular lockdowns ng pamahalaan, hindi na marahil magtatagal at makababalik na sa normal ang pamumuhay at hanapbuhay ng mamamayan.
Sa ginanap na “Talk to the Nation” ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ni Secretary Eduardo Año ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na 31,178 katao na lamang ang apektado ng paghihigpit ng gobyerno sa mga piling pamayanang nagtala ng mga kaso ng nakamamatay na COVID-19.
Paglalarawan pa ng kalihim, naging epektibo ang paghihigpit sa mga komunidad sa pagpigil sa pagkalat ng nakahahawang karamdaman.
Bukod sa granular lockdowns, malaking bentahe rin aniya ang malawakan at puspusang pagbabakuna ng local government units (LGU) sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH) sa layong tuluyan nang tuldukan ang banta ng pandemya sa bansa.
“Makikita po natin na very effective ang ating ginagawa na granular lockdown alongside sa ating bagong alert level system. Ito na rin po ay dahil sa epektibo talaga ang ating pagbabakuna,” dagdag pa ng kalihim.
Matatandaang isinailalim sa granular lockdown ang 432 lugar sa 283 barangay kung saan lubhang naapektuhan ang 7,232 pamilya.
Base naman sa datos na iprinisenta ng DILG chief, walang granular lockdown na ipinaiiral sa Central Luzon, Calabarzon, Eastern Visayas, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro. (LILY REYES)
168 