RIZAL – Sinunog ng isang grupo ng mga Dumagat na kumalas sa New People’s Army, ang watawat ng CPP-NPA-NDF bilang simbolo ng kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno, pagsang-ayon sa pakikiisa sa pamahalaan at panunumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas.
Ang mga residenteng kabilang sa mga katutubong Dumagat/Remontado na naging biktima ng grupong New People’s Army, ay lubos ang pasasalamat sa isinagawang “Peace Forum” sa pakikipagtulungan ng Barangay Task Force ELCAC (BTF-ELCAC), sa pamumuno ng kanilang Punong Barangay na si Adrenico Zubiaga ng Barangay Sta. Ines, sa bayan ng Tanay.
Ginanap ang pagtitipon sa pangunguna ng 80th Infantry (STEADFAST) Battalion ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division, Philippine Army, na pinamumunuan ni Lt. Col. Bernard Zildo S. Fernandez INF (GSC) PA, at nakiisa rin ang pulisya ng Tanay Municipal Police Station.
Ang layunin ng pamahalaan ay tapusin ang suliranin sa insurhensiya ng bansa sa pamamagitan ng mga programa at gabay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) alinsunod sa Executive Order No.70 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon sa mga dumalo sa pagtitipon, ang mga pangakong pambansa at panlokal na pamahalaan na siguruhin ang pagkakaroon ng ligtas, payapa, at matatag na kinabukasan para sa lahat ng mamamayan ay nabigyan ng katuparan sa pamamagital ng matagal nang minimithing proyekto na tinugunan ng NTF-ELCAC. (CYRILL QUILO)
