USONG-USO raw ang trangkaso sa probinsya. Kahit dito sa Metro Manila ay marami na ang may trangkaso dahil siguro sa papalit-palit na panahon. Uulan ngayon, mamaya sobrang init naman.
Pami-pamilya ang nagkakatrangkaso ngayon sa mga probinsya at ayaw nilang pumunta sa doctor dahil baka raw sabihin sa kanila na COVID-19 ang kanilang nararamdamang sintomas.
Bihira sa atin ang hindi nagkakatrangkaso kada taon pero dahil sa COVID-19 pandemic, nagkakalituhan dahil halos pareho ang sintomas ng trangkaso at COVID-19.
Base sa mga eksperto, kabilang sa mga sintomas ng trangkaso o influenza virus, ay lagnat na mas mataas pa sa 38°C; pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan; ubo at sipon; pagbabara ng ilong; sore throat; giniginaw na may kasamang panginginig; pagpapawis; pananakit ng ulo, at panghihina ng katawan.
Maliban sa pangangapos ng hininga at kawalan ng panlasa at pang-amoy, halos lahat ng mga sintomas ng COVID-19 ang sintomas din ng trangkaso pero walang nagpapaliwanag sa atin hinggil sa pagkakaiba ng dalawang virus na ito.
Paano kung ang isang tao na may trangkaso lang pala at ideklara na COVID-19 positive siya dahil halos pareho lang ang mga sintomas ng dalawang virus na ito, ‘di ba parang pinalala mo ang kanilang anxiety?
Walang nagpapaliwanag sa Department of Health (DOH) tungkol sa pagkakaiba ng COVID-19 at trangkaso. Lahat ng atensyon nila ay nakatutok lang sa COVID-19 at nakalimutan nila na kada taon ay nagkakatrangkaso pala ang isang tao.
Kailangang kumilos din siguro ang DOH at ipaliwanag sa mga tao ang kaibahan ng dalawang sakit na ito para maibsan ang kanilang pag-aalala dahil mas nakamamatay raw ang pag-aalala kaysa sakit.
Dapat ding magkaroon ng report ang DOH kung uso ba ulit ngayon ang trangkaso para medyo maibsan ang pag-aalala ng mga tao. Dapat pakalmahin ng gobyerno ang mga tao dahil sabi ko nga, mas nakamamatay ang stress.
***
Speaking of DOH… kung totoo na hindi na nakatutulog ang mga opisyal ng ahensyang ito dahil nabuko ang kanilang pagpapabaya at kuwestiyonable ang paggastos sa pondo sa COVID-19, eh ‘di mag-resign na lang sila!
Mahigit 110 million ang mga Filipino at sigurado marami sa mga ‘yan ang puwedeng pumalit sa DOH officials na hindi nagagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin na nagiging dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga Filipino.
Palagay ko naman maraming matitino na puwedeng pumalit sa DOH officials na hindi na ginagampanan nang maayos ang kanilang trabaho pero paano sila papalitan kung ayaw nilang mag-resign?
Wala naman sigurong pumilit sa kanila na magtrabaho sa DOH, choice nila na magtrabaho sa gobyerno at kung talagang apektado na ang kanilang pagtulog at medyo nahihiya na sila bakit hindi pa sila nagre-resign?
Hindi rin puwedeng magreklamo si DOH Secretary Francisco Duque na winarat sila ng Commission on Audit (COA) dahil inilabas agad sa media ang kanilang annual audit report.
Mas warat na warat ang mga Filipino dahil sa kapalpakan ng ahensyang ito sa pagtugon sa pandemya sa COVID-19 dahil mas binigyan pa ni Duque ng importansya ang damdamin ng China kaysa kalusugan ng mga tao.
Mahigit isang taon nang warat na warat ang mga tao. Nawarat ang kanilang bulsa, nawarat ang kabuhayan, nawarat ang mga negosyo at nawawarat na rin ang mga pamilya dahil napipilitan na sina nanay at tatay na mangibang bansa kahit nasa gitna pa ng pandemya ang mundo.
Kung baga, gula-gulanit na ang sitwasyon ng mga Filipino dahil hindi agad sila nagsara ng border dahil baka raw magtampo ang China. Ano ngayon ang nangyari!?
183 