NAGPALABAS ng isang babala ang Department of Agriculture (DA) sa publiko kaugnay ng peligrong dala ng mga inangkat na gulay mula sa bansang Tsina.
Sa isang panayam, hayagang sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Federico Laciste na hindi ligtas para sa mga tao ang mga produktong agrikultura, partikular ang mga naglipanang bagsak presyong gulay na ipinuslit sa bansa.
“Other than price manipulation meron din siyang problema sa food safety, kasi for as long as walang importation permit, meron siyang health hazard, health threat talaga siya,” ayon kay Laciste, kasabay ng malawakang panawagan sa mga mamimiling huwag tangkilikin ang anumang produktong hindi dumaan sa prosesong magbibigay katiyakan sa kaligtasan ng mga mamamayan.
“Makikita mo agad sa boxes, may tatak na China, madali ma-identify, malinis na malinis, ‘yung local production may lupa lupa, eto linis na linis. May health risk kasi hindi ito dumaan sa proper process, pagka wala tayong sanitary, hindi natin alam na paano na-carry, baka may pests pa ‘yan,” dagdag pa ng opisyal.
Pagtitiyak naman ng departamento, maingat nilang sinusuri ang mga nakumpiskang gulay. Aniya, hindi rin kapani-paniwala ang haba ng panahong itinatagal ng mga smuggled na gulay – bagay na kanilang masusing pinag-aaralan sa hinalang ginamitan ang mga ito ng mga mapaminsalang kemikal sa tao.
“May mga report kami natatanggap, that’s why lahat ng information bina-validate namin,” pagtatapos ni Laciste.
