Gumagawa ng aralin sa gilid ng kalsada 3 ESTUDYANTE SINURO NG TRUCK, PATAY

DEAD on the spot ang tatlong estudyante nang salpukin ng rumaragasang 10-wheeler truck noong Linggo ng hapon sa Barangay Matagangtang, Placer, Masbate, ayon sa ulat ng PNP-PRO5 kahapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Christy Francisco, 16, Grade 11; Ferdalyn Cañete, 10, Grade 5, at Jelian Tamayo, 13, Grade 7, pawang mga residente ng Barangay Matagantang.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo mula kay Police Major Emerson Ecalnir, hepe ng Placer, Masbate Municipal Police Station, sinuro ang mga biktima sa tabi ng kalsada, ng truck na minamaneho ni Jomar Tanael, 30, ng Maristela Street, Poblacion East, Milagros, Masbate.

Sinasabing gumagawa ng kanilang aralin sa tabi ng kalsada ang mga biktima nang mahagip ng 10-wheeler truck na nawalan umano ng kontrol.

Bukod sa mga biktima, nawasak din ang isang motorsiklo at tricycle na nakaparada nang mahagip ng truck na nagkaroon umano ng diperensiya kaya nawalan ng kontrol ang driver nito.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to properties. (JESSE KABEL)

159

Related posts

Leave a Comment