TARGET NI KA REX CAYANONG
HABANG papalapit ang 2025 midterm elections, patuloy na pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa ilegal na mga gawain, partikular na ang mga lumalabag sa ipinaiiral na election gun ban.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director at PNP Spokesperson P/BGen. Jean Fajardo, umabot na sa 31 ang nahuling mga lumabag sa gun ban, kasama sa mga nahuli ang mga sibilyan, security guards, isang appointed government official, at isang miyembro ng militar. Ang mga ito ay nahuli sa iba’t ibang checkpoints at police operations, at nakumpiska ang 80 baril.
Ang pagkakakumpiska sa mga baril, na karamihan ay small firearms, light weapons, mga replica at explosives, ay nagpapakita ng seryosong pagsisikap ng mga awtoridad na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan bago, habang, at pagkatapos ng eleksyon. Ang mga baril ay idineposito para sa safekeeping ng mga may-ari.
Sabi ni Fajardo, karamihan sa mga insidente ng pagkakasangkot sa gun ban ay nangyari sa Region 3, at sinundan ng Regions 2 at 6. Ito ay senyales ng matinding pangangailangan para sa kaligtasan ng publiko at pagpapalakas ng integridad ng eleksyon.
Samantala, ang PNP ay nagbigay ng paalala sa mga motorista na dumaan sa Comelec checkpoints na tiyaking sundin ang mga patakaran at makipag-cooperate sa mga awtoridad upang maiwasan ang anomang insidente.
Ang mga checkpoint ay hindi lamang para sa mga baril, kundi pati na rin para sa mga pagsasanay sa pagpapatupad ng batas na kinakailangan upang mapanatili ang tamang proseso ng halalan.
Sa gitna ng mga operasyong ito, patuloy rin ang paglilinis sa hanay ng PNP.
Si P/BGen. Fajardo ay nagpatuloy na magbigay ng halimbawa sa pagiging tapat at hindi pagpapahintulot sa anomang ilegal na gawain.
Aniya, walang pagkakataon na papayagan ang ilegal na aktibidad sa PNP, anoman ang posisyon o ranggo ng mga tauhan. Isang patunay nito ay ang mga pulis na na-dismiss mula sa serbisyo dahil sa kasalanan, pati na rin ang pagnanais na patibayin ang integridad ng kanilang organisasyon.
Bukod dito, ang pagkakapili kay P/BGen. Fajardo bilang kauna-unahang babaeng regional director ng PNP sa buong bansa, ay isang makasaysayang hakbang na nagpapakita ng inklusibong liderato ng PNP.
Siya ay naglingkod na sa iba’t ibang posisyon bago pa man italaga sa PNP Regional Office 3, na nagpatunay ng kanyang galing at dedikasyon sa serbisyo publiko. Ang kanyang pamumuno ay nagbigay ng bagong perspektibo at lakas sa patuloy na reporma ng PNP.
Ang patuloy na pagsusumikap ng PNP sa pagpapatupad ng mga patakaran at paglilinis ng kanilang hanay ay nagsisilbing paalala sa ating lahat ng kahalagahan ng integridad at responsableng serbisyo sa gobyerno.
49