TIWALA NI FIRST LADY, SINISIRA NG BI DEPCOM?

BISTADOR ni RUDY SIM

SA pagpasok ng bagong taon, tila walang ipinagbago ang maruming kalakaran sa Bureau of Immigration, kung saan ang slogan nito na “Bagong Immigration” ay isa na lamang scam.

Paano kaya mababago ang hindi naging magandang imahe sa publiko ng ahensya kung ang isa sa pinakamataas na opisyal dito ay lantaran ang pambababoy sa BI, na nagpapakita ng isang hindi magandang halimbawa sa mga ordinaryong empleyado rito.

Sinasabi ng karamihan sa BI na itong si Deputy Commissioner Atty. Daniel Laogan ay inilagay sa puwesto ni First Lady Liza Araneta Marcos ngunit lingid sa kaalaman ng Palasyo, ay alam kaya nila kung paanong samantalahin ng naturang opisyal ang kanyang kapangyarihan?

Sa pagtungo ni Laogan sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan noong nakaraang Nobyembre at ngayong Enero, upang kausapin nito ang dayuhang inmates na may kinakaharap na kaso ng pandaraya sa kanilang Filipino citizenship, ay dapat lamang na sampulan ng gobyerno na panagutan sa batas ang kanilang panloloko at ipa-deport palabas ng bansa.

Ngunit ang nakikita natin sa pakikipag-usap ni Laogan sa inmates kagaya na lamang nina HUI CHI LAM, CHEUNG WA, LI SHUN CHAO, MYLINE S. NG at LIM DINA LEE, na may kaparehong kaso ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ay isang pagsasamantala sa kapangyarihan. Ano ang iyong palusot Mr. Laogan, kung bakit mo personal na kinausap sa kulungan ang mga may kaso, may malaking pabor na magagawa ang ibinigay at ipinagkatiwala sa ‘yo ng First Lady?

Malinaw sa naging direktiba ni PBBM na ang mga dayuhang Chinese na sangkot sa POGO at pamemeke ng kanilang dokumento ay kailangang sipain at ibalik mula sa kanilang point of origin, pero anyare? Bakit ang isang deputy commissioner mismo ng BI ang nagpapakita ng isang hindi magandang halimbawa para hindi sundin ang kautusan ng pangulo?

Gaano kaya katotoo na bukod sa law firm ay mayroon ding travel agency itong si Laogan? Kung ito ay may katotohanan, hindi ba’t ito’y isang conflict of interest? Bakit kaya tahimik at tila hinahayaan lamang ito ni BI Commissioner Atty. Joel Viado, sila kaya ay partner in crime o sadyang wala lang magawa itong si Viado dahil mas mabigat ang padrino ni Laogan kaysa kanya na si DOJ Secretary Boying Remulla lamang?

Kung sa kaso ng nabanggit na Chinese nationals ay pabor ang magiging desisyon sa kanila ng BI, malamang ito ang naging magandang bunga ng pakikipag-usap ni Laogan sa foreign inmates. Hahayaan kaya ito ng Board of Commissioners? Magkano?

Nakapagtataka lamang na noong si Norman Tansingco pa ang commissioner ay daig pa ng tumbong ng manok kung pumutak ang bibig ni Remulla laban sa dating commissioner sa harap ng media ngunit ngayong bata na niya ang inilagay sa puwesto ay parang zipper na lamang ang kanyang bibig, na hindi silipin ang patuloy na mga nangyayari ngayon sa BI, na nasa ilalim ng kapangyarihan ng DOJ.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text lamang ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

126

Related posts

Leave a Comment