BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa umanong sangkot sa illegal gun running activities, sa inilatag na entrapment operation sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa isinumiteng ulat ng NBI-National Capital Region kay NBI Director Medardo de Lemos, nakatanggap ng impormasyon ang ahensya na ang suspek na kinilalang si Michael Perlas, ay sangkot sa pagbebenta ng hindi lisensyadong mga baril sa protective agents.
Dahil dito, nagkasa ng surveillance operation ang NBI-NCR at nang magpositibo, ang dalawang protective agents ay umaktong poseur buyer na interesadong bumili ng mga rifle at pistol.
Tatlong 5.56 caliber rifles, isang .45 caliber pistol at isang .357 caliber revolver ang kanilang binili sa suspek na umabot sa halagang P340,000, sa San Jose Del Monte, Bulacan na nagresulta sa pagkakadakip kay Perlas.
Nang iberipika sa Philippine National Police – Firearms and Explosives Office (PNP-FEO), napag-alaman na si Perlas ay walang rekord ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) o hindi siya awtorisadong gumawa, maging dealer o makibahagi sa pagbili o pagbebenta ng mga bala, baril o piyesa para ibenta o ipamahagi.
Nakumpiska kay Perlas ang iba’t ibang uri ng mga baril at marked money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 32 “Unlawful Sale/Disposition of Firearms” ng Republic Act 10591, o kilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”. (RENE CRISOSTOMO)
