TAGAYTAY CITY – Tinutugis ng pulisya ang dalawang kalalakihan na nanutok ng baril sa dalawang motorcycle rider at tinangay ang kanilang sasakyan habang inaayos ang side mirror sa gilid ng kalsada sa lungsod nitong Biyernes ng madaling araw.
Inilarawan ang mga suspek na kapwa nakasuot ng hoodie jacket, maong na pantalon at itim na cap.
Ayon sa salaysay ng biktimang si Jemel Barruga y Dechavez, tumigil sila sa gilid ng kalsada, kasama ang angkas nito na si Jennifer Azorez, kapwa residente ng Tondo, Manila, sa Brgy. San Jose, Tagaytay City bandang alas-12:05 ng madaling araw, upang ayusin ang side mirror ng kanyang puting motorsiklong Honda Click 125 na may plakang 393NSO.
Ngunit biglang sumulpot ang dalawang kalalakihan, naglabas ng baril at tinutukan sila saka puwersahang tinangay ang kanyang motorsiklo.
Pagkaraan ay tumakas umano ang mga suspek sa west direction sa nasabing lugar habang ang mga biktima ay naglakad patungo sa istasyon ng pulisya upang isumbong ang insidente.
Nagsasagawa ng backtracking sa CCTV ang mga awtoridad para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
