SA gitna ng sala-salabit na polisiya ng gobyerno kaugnay ng mga pagkakait ng karapatan sa hanay ng mga hindi pa bakunado, malamang sa hindi, hahantong ang mainit na usapin hanggang sa husgado.
Ang totoo, maganda naman ang intensyon ng pamahalaan – ang lahat ay turukan para maprotektahan – laban sa panganib na dala ng nakamamatay na COVID-19.
Gayunpaman, may agam-agam ang ilang dalubhasa sa larangan ng batas. Anila, hindi angkop na isantabi ang Republic Act No. 11525 (COVID-19 Vaccination Program Act) na nagtatakda ng karapatang bumiyahe gamit ang mga pampublikong sasakyan.
Partikular na tinuligsa ng mga kritiko ang direktiba ng DOTr sa mga tsuper at inspektor ng mga pampublikong sasakyan tulad ng mga bus at pampasaherong dyip na hanapan muna ng vaccine cards bago isakay ang mga pasahero.
Giit ng gobyerno, higit na matimbang ang kaligtasan ng nakararami, sabay salag sa bintang ng awtoritaryanismo. Ayon mismo sa DOTr, walang labag sa kanilang patakarang binalangkas batay sa umiiral na batas.
Ang resulta – ang mga tao, gulong-gulo, litong-lito! Yaman din lamang na batas ang giit ng magkabilang kampo, tila mas angkop na dalhin ang usapin sa husgado – at hindi sa Kongresong pinamumugaran ng mga epal na pulitiko.
Bagama’t sa Kongreso binabalangkas ang batas, mas angkop na tuldukan ang pagtatalo sa legalidad ng polisiyang “no vax, no ride” na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) sa isang sangay ng pamahalaang walang kinikilalang partido, estado at kaalyado.
Karapatan para sa kalusugan laban sa karapatang nagbibigay layang makapunta kahit saan.
