HALAL COVID-19 VACCINE HIRIT NI IMEE PARA SA PINOY MUSLIMS

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na siguruhing ‘halal’ o may permiso para sa milyung-milyong Pilipinong Muslim ang mga COVID-19 vaccine para hindi lang masayang o mabasura at marami ang mabakunahan.

“Ang pagsasa-alang-alang sa relihiyon at mga kultura o paniniwala ay makakaiwas para hindi masayang ang gastos ng gobyerno at makakahimok sa mga tao para magpabakuna,” ani Marcos na nagsabing 47% ng mga Pinoy na na-survey ng Pulse Asia ay nag-aatubiling magpabakuna.

“Dapat na kumonsulta ang pamahalaan sa mga grupong nagsi-certify ng halal tulad ng Islamic Da’wah Council of the Philippines, na sumasaklaw sa halos 100 mga organisasyon ng mga Muslim sa bansa, bago isapinal ang alokasyon ng bakuna lalo na para sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao),” payo ni Marcos.

“Ang mga bakunang inaprubahan ang EUA (emergency use authorization) sa Muslim countries na tulad ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Malaysia at Indonesia ay maaaring mas tanggapin ng mga kapatid nating Muslim, na nasa Metro Manila man o Mindanao,” dagdag pa ni Marcos.

Sa ilalim ng batas ng Islam, ang paglunok o pagkain ng baboy at deribato nito ay kinokonsiderang ‘haram’ o ipinagbabawal, maging ang pork-extracted gelatin na ginamit para mapatatag o ma-stabilize ang maraming bakuna habang nasa storage o nakaimbak ito at habang inihahatid sa destinasyon nito.

Ang sinasabing sangkap na gelatin ang nag-udyok sa mga religious leader sa Indonesia noong 2018 na ideklara ang mga bakuna ng tigdas at rubella na ‘haram’, na nagresulta sa mas kakaunting batang nabakunahan at naitala sa nasabing bansa ang isa sa pinakamataas na infection rates sa buong mundo sa taong iyon.

“Dapat maging mas maingat at sensitibo ang gagawing pagbabakuna ng gobyerno para ito ay maging matagumpay. Hindi sapat na ito ay mura lang at kayang tumagal sa matagal na biyahe lalo sa malalayong isla ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi,” ani Marcos.

Halos anim na milyon ang mamamayang Pilipino na Muslim, base sa 2015 census ng Philippines Statistics Authority.

Gayunpaman, ayon kay Dr. Dimapuno Datu Ramos Jr., tagapagsalita ng National Commission on Muslim Filipinos, tinatayang nasa 15 milyon na sila sa bansa ngayon. (ESTONG REYES)

140

Related posts

Leave a Comment