HALALANG WALANG DAYA, DAPAT LANG!

SA dami ng problemang bumabalot sa lipunan, may balitang tiyak ating kasisiyahan. Pagtitiyak ng Commission on Elections (Comelec), walang dayaang magaganap sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Sa kalatas ng poll body, ibinida ang ­security features ng bawat balotang magtatakda ng ­ating tadhana. Ani Comelec Information ­Technology Department director Jeannie Flororita, hindi babasahin ng kanilang vote-­counting machines (VCM) ang mga palsipikado, pinag-ubra at sadyang hindi akmang balota.

Sa isinagawang demonstration ng Comelec sa sistemang gagamitin ng ahensya sa ­mismong araw na itinakda, napa-“Wow” ang madla. Dangan naman kasi, mahusay mangumbinsi, matamis mangusap ang opisyal na mistulang henyo sa gitna ng pulutong ng mga bobo.

Bakit kamo – masyado yatang teknikal ang kanyang paliwanag. Sa halip na maunawaan, nagmistula pang palaisipan. Eh ano nga ba naman kasi ang alam ng mayorya sa mga encryption, source code at iba pang tanging silang mga IT lang ang makatutugon.

Ang totoo, wala pa sa 1% ng mga botante ang nakakaunawa sa kanyang winika. Masyadong teknikal at angkop sa pandinig at unawa ng mga kapwa niya IT expert lamang.

Pero teka… tila matabang pa rin sa sustansya, lalo pa’t hindi tinalakay ang iba pang ­usaping kalakip ng mga gagamiting source code, VCMs, data breach, real-time data transmission at iba pa.

Ang kontrata ng Comelec sa F2 Logistics ni Dennis Uy, dapat ding bantay-sarado lalo pa’t kumpanya niya pala ang hinirang na bodegero ng VCMs na babasa ng ating balota.

Hindi rin dapat mawaglit ang ­nagbabadyang salamangkang hindi lang minsan ipinamalas ng mga bayarang dalubhasa sa larangan ng ­makabagong teknolohiya.

Bago pa man sumapit ang mismong halalan, dapat nang tuldukan ang pangamba ng publiko sa diumano’y data breach sa mismong Comelec website nito lamang nakalipas na ­Enero, bagay na makailang ulit ipinagkibit-balikat lang ng naturang ahensya.

Ani Comelec spokesperson James ­Jimenez, wala naman mananakaw pang datos ang cyber hackers sa kanilang website. Taliwas naman ang mga naglabasang balita – network diagrams, IP addresses, listahan ng privileged users, domain admin credentials, at passwords ang nalagay sa kompromiso.

Anu’t ano pa man, patunay lang ang nasabing insidente na hindi sapat ang nakalatag na security features ng sistemang gagamitin ng Comelec sa halalan sa Mayo.

Kung nagawang pasukin minsan ng cyberhackers ang Comelec website, ano ba naman ang umulit pa sila.

326

Related posts

Leave a Comment