MULING nakapagtala ng dalawang phreatomagmatic bursts ang Bulkang Taal nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa NDRRMC, nagkaroon ng magkasunod na pagbuga ng makapal na usok dakong alas-4:34 ng madaling araw na umabot sa 800 metro ang taas at sinundan dakong alas-5:04 ng umaga na umabot sa 400 metro ang taas.
Makaraan ang ilang magkakasunod na maliliit na pagsabog na nagtapos dakong alas-8:35 ng umaga, pansamantalang kumalma ang bulkan.
Samantala, hanggang alas-5:00 ng hapon noong Sabado, batay sa tala ng Agoncillo MSWDO/MDRRMC, umabot na sa 522 pamilya ang nailikas ng Agoncillo LGU at dinala sa walong evacuation centers sa naturang bayan.
Ang mga inilikas ay mula sa high risk barangays, kabilang ang Bilibinwang, Subic Ilaya, Banyaga at iba pang barangay.
Inilikas na rin ang lahat ng mga naninirahan sa mismong Volcano Island.
Nanatiling nasa Alert Level 3 ang bulkan na itinaas noong Sabado ng umaga mula sa dating Alert Level 2. (NILOU DEL CARMEN)
92