MAY UTANG NA LOOB NGA BA ANG SAMBAYANAN KAY NINOY?

KASABAY nang muling paglabas sa publiko ni Kris Aquino sa isang political rally sa Tarlac matapos ang pagkakaratay nito sa karamdaman ay naging trending sa social media ang umano’y pahayag nito na “Utang na loob ninyo sa aking ama ang kalayaan na tinatamasa n’yo ngayon”. Ano nga ba ang naging ambag sa bansa ng kanyang ama na si Ninoy?

Si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., nagsilbi bilang senador noong 1967-1972 at naging lider ng oposisyon sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Ilang naitalang pangyayari noon ang pakikipagsabwatan ni Ninoy sa ilang lider ng CPP-NPA kung saan ang Hacienda Luisita na kilalang pinakamalawak na taniman ng tubo sa bansa, ay pinagkutaan umano ng komunista upang dito planuhin ang pagpapabagsak sa pamahalaan ni Marcos.

Bago pa man ideklara ni dating Pangulong Marcos ang Proclamation 1081 o Martial Law noong September 23, 1972, ay isinulong ni Joma Sison ang Communist Party of the Philippines noong 1969 mula noon ay patuloy na nakikibaka ang mga ito hanggang sa kasalukuyan para sa kanilang isinusulong na idolohiya katulad ng socialism at communism; ang doktrinang patuloy na ginagamit para sa kanilang recruitments na lumason sa isipan ng mga raliyista na walang kamatayang sumisigaw sa kalye. Hanggang sa lumakas ang puwersa ni Sison at nabuo ang CPP-NPA nang magsanib ang kanilang puwersa nina Bernabe Buscayno at mula noo’y nagpatuloy ang kaguluhan at pag-atake upang pabagsakin ang gobyerno.

Ang political rally ng Liberal Party sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila na dinaluhan halos lahat ng opposition leaders maliban kay Ninoy Aquino na wala sa okasyon noong August 21, 1971, ay hinagisan ng dalawang granada na ikinasawi ng 9 katao at ikinasugat ng 95 kabilang si dating Senate president Jovito Salonga, ito ay isinisi na kagagawan ni Marcos Sr. ngunit ang katotohanan ay kagagawan ito ng komunista upang mapabagsak ang pamahalaan ni Marcos at itinago ang pahinang ito ng Aquino administration.

Dahil sa mga kaguluhan sa bansa dulot ng komunista ay ipinaaresto ni Marcos sina Ninoy, Joma Sison at mga kasamahan nito na inilagay sa isang military detention sa Fort Bonifacio at kinasuhan ng rebellion at sedition. Mula sa piitan ni Ninoy ay nagkasakit ito dahil sa kanyang hunger strike ngunit itoy tinulungan na maipagamot sa Philippine Heart Center at tinulungan pang ipagamot ni Marcos sa America at doon nanirahan kasama ang kanyang pamilya. Muli ang pahinang ito ay itinago sa kasaysayan ng ating bansa upang lasunin ang isipan ng sambayanan na naging masama ang pamamahala ni Marcos.

Ang kabutihang iginanti ng dating pangulong Marcos sa mga Aquino ay hindi nasuklian ng kabutihan noong naagaw ang pamahalaan ni Cory Aquino at noong si Marcos ay nasa Hawaii ay hiniling nito na makauwi upang makita ang kanyang pinakamamahal na Ina na si Doña Josefa Edralin nang namaalam ito noong May 4, 1988, ngunit hindi ito pinayagan ni Cory hanggang sa sumunod na taon,
September 28, 1989 ang dating Pangulong Marcos naman ang namaalam sa buhay at muling ipinagdamot ng Aquino na maiuwi agad ito at malibing sa Libingan ng mga Bayani, ayon na rin sa huling kahilingan ng matandang Marcos.

Bago pa man ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong August 21, 1983 ay binigyan babala na ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos si Ninoy na mayroon intelligence reports na mapanganib ang kanyang pag-uwi ngunit tumuloy pa rin ito gamit ang passport na may pangalang Marcial Bonifacio. Hanggang sa pagbaba nito sa Tarmac ng Manila International Airport ay isang tama ng bala mula sa Magnum 357 ni Rolando Galman ang tumama at tumapos sa buhay ni Ninoy na ibinintang muli kay Marcos at dito’y nagtagumpay ang mga Aquino dahil sa kanilang political propaganda kaya’t nasundan ito ng mga kaguluhan at kaliwa’t kanang kilos protesta dahil sa pakikipag-alyansa sa makakaliwang grupo hanggang sa mangyari ang February 26, 1986 EDSA People Power Revolution na isang malaking pagkakamaling nangyari sa bansa na hindi na mauulit dahil gising na sa katotohanan ang sambayanang Pilipino na hindi ­magpapagamit sa propaganda ng Dilawan na ngayon ay naging Pinklawan.

Ano man ang ibig sabihin ng anak ni Ninoy na utang ng sambayanan sa kanyang ama ay isang bangungot na lamang ang katagang binitawan noon ni Ninoy na “The Filipino is worth dying for” na isang slogan lamang, kaya’t Ms. Kris “tama na, sobra na, palitan na ang inyong agenda?”

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

116

Related posts

Leave a Comment