HALOS 3,000 VAWC CALLS NATANGGAP NG 911 HOTLINE

NAKATANGGAP ang National Unified 911 Hotline ng 2,895 tawag na may kaugnayan sa karahasan laban sa kababaihan at mga bata (Violence Against Women and Children o VAWC) mula Enero hanggang Oktubre 2026, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Iniulat ng DILG nitong Huwebes na kabilang ang mga naturang tawag sa kabuuang 96,000 emergency calls na natanggap ng hotline mula Enero 1 hanggang Oktubre 31. Sa kabuuang bilang, 42,849 ang humingi ng tulong mula sa kapulisan.

Ayon sa kagawaran, ipinakikita ng mga datos ang mahalagang papel ng Unified 911 Hotline sa pag-uugnay sa mga taong nasa panganib sa agarang tulong at proteksyon.

Patuloy umanong pinatitibay ng DILG ang operasyon ng hotline sa pamamagitan ng pagpapahusay sa kakayahan ng mga tauhan, kagamitan, imprastraktura ng komunikasyon at mga mekanismo ng koordinasyon upang matiyak na agad na makararating sa mga biktima ang kinakailangang tulong.

Binigyang-diin ng kagawaran na bawat tawag ay pagkakataong maagapan ang isang insidente bago pa lumala ang sitwasyon at matulungan ang mga biktima na makarating sa ligtas na lugar.

Ipinakikita rin ng mga kamakailang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung paano nagiging daan ang isang tawag upang agad na kumilos ang mga awtoridad at maiugnay ang mga biktima sa mga serbisyong pangkapulisan at panlipunang kapakanan.

Ayon sa DILG, hindi dapat maging simpleng numerong naaalala lamang ng publiko ang 911, kundi isang sistemang maaasahang tutugon sa panahong higit na nangangailangan ng tulong at proteksyon ang mga mamamayan.

Nakadepende rin umano ang epektibong pagtugon sa maayos na koordinasyon ng mga emergency telecommunicator na tumatanggap ng mga tawag at ng mga pulis, social worker, health worker at iba pang emergency responder na kumikilos sa lugar ng insidente.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, patuloy na pinatitibay ng kagawaran ang Unified 911 Hotline upang matiyak ang mabilis na pagdating ng tulong at proteksyon sa mga nangangailangan.

(JESSE RUIZ)

18

Related posts

Leave a Comment