PUSPUSAN ang paghahanda ng Bureau of Customs-Port of Cagayan De Oro sa napipintong paggagawad ng ISO Certification na patunay ng kanilang tugon sa direktibang modernisasyong susi sa pagbangon ng ekonomiyang isinadlak ng pandemya.
Bukod sa BOC-Port of CDO, maging ang Subport of Iligan, pasok din sa pinakahuling talaan ng mga pasilidad na tatanggap ng ISO 9001: 2015 Quality Management System (ISO QMS) na patunay ng mahusay na sistema sa larangan ng kalakalan.
Bahagi naman ng paghahanda ang pagsasanay na isinagawa ng Interim Training and Development Division (ITDD) sa Customs House, Brgy. Macabalan, Cagayan de Oro kamakailan.
Kabilang sa mga nagbahagi ng kani-kanilang kaalaman sina Rowel Linga at Benedict de Borja, na kapwa pumaksa sa Quality Management System Foundation, Root Cause Analysis, Risk Management Principles and Guidelines, Comprehensive Training on 5S Program at Quality Management Systems Documentation.
Sumentro naman sa ISO principles and QMS documentation ang diskurso.
Giit naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, higit na kailangan ng mga tanggapan ng kawanihan ang ISO certification na aniya’y magbibigay daan sa pinahusay na sistema ng kalakalan. (BOY ANACTA)
183 