BISTADOR ni RUDY SIM
Talaga namang nagtaasan ang bill sa kuryente, aminado ang gobyerno, ang Meralco at utility companies sa buong bansa. Paano ba naman, anlaki ng tinaas ng generation charge na bayad sa mga nagpo-produce ng kuryente. Kabi-kabila ang mga reklamo sa social media- karapatan naman ito ng bawat isa. Walang masama sa pagtatanong, pagpapa-check, paghingi ng paliwanag at pagkwestyon sa tamang batayan ng electric bill.
Ang hindi tama ay gawin itong content para magpapansin at mag rage-bait kaya sa social media ito idadaan bago pa man idulog ito sa tamang paraan.
Para sa ilang personalidad sa showbiz, ito na nga ang nangyari. Kabilang na nga dito sina Cacai Mitra, Barbie Imperial, Jayson Gainza, Mika Salamanca pati na ang writer na si Suzette Doctolero. Sunud-sunod na nag-post sa social media ng kanilang electric bills ang mga ito. Sabi ko nga walang masama, lalo kung sigurado sila sa sarili nila na may mali talaga sa bill ng kuryente at hindi konsumo ang dahilan kaya tumaas ito.
Sa panahon ngayon, isang Facebook post o Instagram Story lang mula sa isang kilalang personalidad ay sapat na upang makabuo ng opinyon ang publiko. Mas mabilis humatol ang taumbayan sa social media kaysa sa hintayin ang katotohanan.
Maaaring nasa milyon ang nakakita ng kanilang mga post. Libo-libo ang nagkomento. Kaya ang epekto- marami ang agad naniwala na may overbilling o may anomalya sa singil ng kuryente. Pero ano ang totoo?
Sa public statement ng Meralco, sinabi nito na walang nakitang iregularidad sa meter reading at billing. Ang konsumo ay naaayon sa historical usage ng mga account. Sa kaso ni Cacai Mitra, nag-alok pa ang kumpanya na magsagawa ng technical inspection sa kanyang bahay upang masuri ang electrical installation at maipaliwanag ang mataas na konsumo. Kalaunan, sinabi rin niyang nakausap na niya ang Meralco tungkol sa kanyang concern.
Dito ngayon pumapasok ang mas mahalagang usapin.
Kapag ang unang post ay umabot sa milyon-milyong Pilipino at naging mitsa ng galit ng publiko, hindi ba nararapat lamang na ang naging resulta ng beripikasyon ay maibahagi rin nang may kaparehong atensyon? Kung naging viral ang reklamo, hindi ba dapat maging viral din ang paglilinaw ng sinumang nag-akusa?
Sa social media kasi, kakaiba ang takbo ng impormasyon. Ang unang akusasyon ang kadalasang naaalala ng publiko. Kapag nagpuyos na ang emosyon at nakundisyon na ang isip nila, ang paglilinaw ay hindi na napapansin. Kaya kahit wala palang napatunayang anomalya, nananatili sa isip ng maraming tao na may ginawang mali ang isang tao, organisasyon o kumpanya.
Ito ang kapangyarihan ng impluwensiya.
Hindi ordinaryong mamamayan ang mga personalidad na ito. Ang bawat post nila ay may kakayahang makaabot sa maraming Pilipino. Hindi lang nila ibinabahagi ang kanilang karanasan; nahuhubog din nila ang pananaw ng publiko. Dahil dito, mas mataas ang antas ng responsibilidad na inaasahan sa kanila.
Hindi ibig sabihin nito na hindi sila dapat magtanong o maglabas ng saloobin. Simple lang naman: tiyaking kumpleto ang kuwento. Kung may duda, ipasuri. Kung may concern, ipaabot. Ngunit kung lumabas na walang iregularidad matapos ang beripikasyon, nararapat lamang na ipaalam din iyon sa parehong audience na nakabasa ng unang reklamo.
Sa huli, hindi ang pagrereklamo ang problema. Ang problema ay kapag ginagamit ang kasikatan at impluwensiya sa mapanirang paraan bago pa man malaman ang katotohanan. Sa panahon kung saan ang isang viral post ay kaya nang magdikta ng opinyon ng publiko, mas kailangan natin ang responsableng paggamit ng boses.
Kung may mali, ilantad. Kung may anomalya, papanagutin ang may kasalanan.
Ngunit kung wala namang napatunayang iregularidad matapos ang masusing beripikasyon, ang katotohanan ay dapat ding bigyan ng parehong espasyo na ibinigay sa unang paratang.
Iyon ang tunay na pananagutan ng isang taong may impluwensiya.
148 