SINIMULAN na ng Department of Education (DepEd) ang nationwide recruitment ng 10,000 School Counselor Associate I positions bilang bahagi ng pagpapalakas ng mental health services sa mga pampublikong paaralan.
Nag-ugat ang hiring matapos magpalabas ang DepEd ng Order No. 019, s. 2026, na nagpatibay sa qualification standards na inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) para sa mga bagong posisyon sa ilalim ng Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act.
Sa isang kalatas, sinabi ng DepEd na inatasan ang mga Schools Division Offices (SDOs) na nakatanggap ng kanilang Notice of Organization, Staffing, and Classification Action (NOSCA) na simulan ang pagpuno sa mga entry-level positions.
Upang mapabilis ang recruitment process, gagamit ang lahat ng SDOs ng Agile Gateway for Appointments and Placements (AGAP) System, isang online platform na nagbibigay-daan sa electronic submission ng requirements at digital processing ng applications at appointments.
Inatasan din ang mga SDO na maghanda ng physical assistance kiosks at help desks para sa mga aplikanteng may limitadong access sa digital services.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng hiring na palakasin ang mental health at psychosocial support para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
“Hindi lang ito tungkol sa pagpuno ng mga plantilla positions. Napakahalaga ng pag-hire natin ng mga School Counselor Associates dahil sila ang magiging kaagapay ng ating mga mag-aaral sa pang-araw-araw nilang mental health at psychosocial needs,” ani Angara.
Sinabi ng DepEd na ang mga School Counselor Associates ay magbibigay ng basic mental health services, learner support, documentation, at referrals bilang suporta sa trabaho ng mga registered guidance counselors sa mga pampublikong paaralan.
(CHRISTIAN DALE)
51 