HAYAHAY ANG BUHAY, KUNG WALANG PASAWAY

KUNG masusunod lamang ang panuntunan ng Civil Service Commission (CSC) ng mga kawani ng gobyerno, hayahay sana ang buhay ng mga Pinoy.

Bakit kamo? Base sa paalala ni CSC Commissioner Aileen Lizada: ‘Sa lahat ng mga kawani ng gobyerno: Let our virtue be integrity as we serve the public…Taumbayan po ang nagpapasweldo sa atin –the higher ranks we have, the lower we must go.

We must serve with utmost humility, integrity, honesty. Let us lead by example’.

Napakaigsi lang po ang sinabi ni Comm. Lizada pero punong-puno ng sustansiya at mensahe sa mga empleyado ng pamahalaan.

Ayon kay Comm. Lizada, bilang mga kawani ng ­gobyerno ‘wag nyo kalimutan na kayo ay pinasusuweldo ng taumbayan. Ibig sabihin niyan dahil taumbayan ang nagpapasweldo sa inyo sila ang inyong mga amo at sila ang dapat ninyong paglingkuran.

Sa halip ay kabaligtaran ang nangyayari, ­masu­sungit pa ang mga empleyado ng gobyerno sa taum­bayan.

Sinabi pa ni Comm. Lizada na kailangan pagsilbihan ng mga kawani ng gobyerno ang taumbayan nang may pagpapa­kumbaba, in­tegridad at katapatan.

Hindi ‘yung ‘pag nakakakita kayo ng mga tao na pupunta sa mga opisina (gov’t. employees) n’yo ay susungitan n’yo, kung minsan binubulyawan n’yo pa sila.

Kailangan maging ­halimbawa kayo bilang mga tunay na “public ­servant” hindi lang pakitang tao kundi ipakita n’yo talaga ang totoong serbisyo publiko. Ika nga “public office is a public trust”.

Paanong pagkakatiwa­laan ng taumbayan ang inyong mga opisina kung ang mga nasa loob nito ay pawang mga ‘kuwago’ na hindi katiwa-tiwala?

Sabi pa ng opisyal ng CSC, ‘the higher ranks we have, the lower we must go’. Malinaw po ang ­paalala ni Comm. Lizada sa mga kawani ng gobyerno, na habang tumataas ang inyong mga ranggo ay lalo kayong maging mapagkumbaba.

Sabi nga ni Spiderman, “With great power comes great responsibility”.

Laging po natin isaisip na ang bansang Pilipinas ay tahanan ng mga Pinoy. ‘Pag sinira natin ito at tuluyan nang malugmok sa kahirapan ay wala tayong pangalawang bansa na dapat nating puntahan. Walang pinakamasarap na tirahan kundi ang sariling bansa na ating tinubuan.

Ang mga bansang mauunlad ngayon ay nagkaroon din ng malasakit sa kanilang inang bayan, kaya tinatamasa nila ang kanilang kaunlaran.

Kung magkakanya-kanya tayo at maging pasaway maging ang mga nasa pampublikong opisina man o pribado, tayo mismo ang humahatak sa ating pamahalaan pababa.

Ang pakikiisa ng bawat Pinoy sa gobyerno na sumunod sa mga batas ay malaking ambag para makamit natin ang kaunlaran at tagumpay.

Tulad ng nararanasan natin ngayong paglaban sa COVID-19, kung lahat ay makikiisa sa pag-iingat baka sa susunod na taon (2022) ay tuluyan na tayong makawala sa virus na ito.

Pero kung magpapa­tuloy ang pagiging pasaway natin ay marami pa sa atin ang malalagas dahil sa veerus na ito.

Kaibigan mo, kaibigan ko, kamag-anak ko, kamag-anak mo ay nalalagas na, sino pa ang susunod?

Nakasalalay rito ang buhay ng kamag-anak mo, kamag-anak ko, asawa mo, asawa ko, mga anak mo, mga anak ko, ikaw mismo at ako.

Tara, sama-sama po tayong magdasal na matapos na ang krisis na ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

166

Related posts

Leave a Comment