KINUKONSIDERA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paggamit ng mga reservist ngayong nakararamdam na ng pagod ang mga frontliner partikular ang mga doktor at nurses.
Ayon kay Pangulong Duterte, kanyang titipunin ang mga reservist na kanyang aasahan sa ganitong mga panahong dumaraing na ang mga nasa medical profession.
Tiwala naman ang Chief Executive na kung mayroong unang tutugon sa kanyang hakbang patungkol sa mga reservist ay walang iba kundi ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte Carpio na isang reservist.
Bukod dito, pinaghahanda rin ng Pangulo ang mga babaeng pulis na nurse na aniya’y nais niyang sumailalim kahit sa posibleng dalawang araw na training para mai-deploy sa gitna ng nararanasang kapaguran ng health workers.
Ipinasa naman ng Pangulo ang gagawing mobilization ng mga reservist kay Defense Secretary Delfin Lorenzana. (CHRISTIAN DALE)
