ITINANGGI ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang mga ulat na naghahanda na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng kanyang magiging kapalit, kasunod ng kumakalat na online reports na umano’y planong yanigin ng Pangulo ang kanyang Gabinete na maaaring makaapekto sa siyam na opisyal.
“There’s no truth to that,” ani Herbosa sa isang press briefing sa Malakanyang nang tanungin hinggil sa isyu.
Dagdag pa niya, nilinaw na rin umano ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro na walang planong Cabinet revamp ang administrasyon. Gayunman, kinilala ni Herbosa na ang lahat ng miyembro ng Gabinete ay nagsisilbi ayon sa kagustuhan ng Pangulo.
“I think Usec. Claire already said yesterday that there is no revamp of the Cabinet. But we in the Cabinet all serve at the pleasure of the President. So if ever the President wants to replace me, that is the prerogative of our President,” ani Herbosa.
Nauna nang sinabi ng Malakanyang na wala pa itong natatanggap na anumang impormasyon kaugnay sa umano’y rigodon sa Gabinete ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Castro, wala siyang natatanggap na opisyal na abiso tungkol sa posibleng Cabinet revamp at maaaring tsismis lamang ang mga kumakalat na ulat.
Sa kabilang dako, tiniyak ni Herbosa na ipagpapatuloy niya ang kanyang paglilingkod at pagtupad sa mandato ng Pangulo, partikular sa pagpapatupad ng zero-balance billing program at sa pagpapalawak ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers sa buong bansa.
“I think we will continue to pursue the mandate of the President with emphasis on better care for all Filipinos,” ani ng kalihim.
(CHRISTIAN DALE)
67 