TAHASANG inihayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang aasahang positibong tugon ang hinihingi ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa kanyang open letter kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr.
Sa isang pulong-balitaan, nilinaw ni AFP spokesperson Col. Francel Margaret Padilla na hindi nakikialam ang kasundaluhan sa usaping pulitikal at ang mga alegasyon ng korapsyon ay saklaw ng mandato ng mga tamang civilian agency—hindi ng militar.
Binigyang-diin ng AFP leadership na ang anumang panawagan para makilahok ang militar sa partisan politics o kumilos sa labas ng chain of command ay direktang banta sa institutional integrity ng hukbong sandatahan.
Iginiit din ng AFP na iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag, subalit malinaw na ang kanilang pangunahing tungkulin ay ang ipagtanggol ang bansa, habang ang usapin ng political accountability ay dapat resolbahin ng mga civilian institutions sa pamamagitan ng umiiral na legal na proseso.
“While the AFP consistently supports good governance and anti-corruption, allegations involving civilian governance, public finance, or economic policy fall exclusively under the jurisdiction of civilian courts and oversight bodies, not the military,” ayon sa pahayag ng AFP.
Ang tugon ay kasunod ng open letter ni Singson na naka-address kay Gen. Brawner, kung saan hinikayat niya ang AFP chief na hayagang tumindig laban sa umano’y malalim at sistematikong korapsyon sa gobyerno. Ayon kay Singson, ang tunay na banta sa bansa ay hindi mula sa panlabas na kaaway gaya ng China kundi mula sa katiwalian sa loob mismo ng pamahalaan.
Hinimok pa niya si Brawner na huwag manahimik, huwag magpagamit sa politika, at pumanig umano sa sambayanang Pilipino sa pagtatanggol sa Republika.
Bilang tugon, nagbabala ang AFP sa publiko na maging mapanuri sa mga panawagang bumabalot sa sarili bilang patriotismo ngunit maaaring nagsisilbi sa interes ng mga dayuhang nais umagaw sa teritoryo ng bansa, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.
Muling iginiit ng AFP ang kanilang mahigpit na pagsunod sa 1987 Constitution, partikular sa Article II, Section 3, na nagsasaad: “Civilian authority is, at all times, supreme over the military.”
(JESSE RUIZ)
63 