ISANG itinuturing na high value individual ang nahulihan ng P8.9 milyong halaga ng cocaine at shabu sa inilunsad na anti-narcotics operation ng Philippine National Police at militar sa Zamboanga City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Police Colonel Fidel Fortaleza Jr., Zamboanga City Police Office (ZCPO) director, nadakip ng kanilang mga operatiba ang isang alyas Moadz, 32-anyos na naninirahan sa Barangay Baliwasan.
Si Moadz ay naaresto matapos ang ikinasang buy-bust operation bandang alas-6:40 noong Martes ng hapon sa loob ng motel room sa Putik village, Zamboanga City.
Nakuha sa pag-iingat niya ang 1,500 grams ng hinihinalang cocaine na may halagang P7.9 milyon, at 150 grams ng suspected shabu na may street value na aabot sa P1 milyon, kasama ang bundle ng 49 piraso ng P1,000 boodle money na napaiibabawan ng isang tunay na P1,000 marked bill.
Isinagawa ang buy-bust operation ng police operatives katuwang ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippine matapos ang ilang araw na surveillance operation sa kilos ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang kasalukuyang nakadetine sa Zamboanga PNP.
Ayon kay Fortaleza, minsan na ring nadakip ang suspek sa kasong may kaugnayan din sa droga noong Hunyo 24, 2016.
(JESSE RUIZ)
