HIGH VALUE TARGET PATAY, 4 PDEA AGENTS SUGATAN SA ENGKWENTRO

PATAY ang isang high value drug personality habang apat na ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency ang sugatan nang mauwi sa engkwentro ang inilatag na buy-bust operation ng anti-narcotics unit ng pamahalaan sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Ayon sa isinumiteng ulat kay PDEA chief Director General Isagani Nerez, matapos ang isinagawang case build-up laban sa ilang bigtime drug personalities, naglunsad buy-bust operation sa loob ng Goodwill 3 Village, Brgy. San Antonio, Parañaque City noong Miyerkoles ng gabi ang mga tauhan ng PDEA NCR RO katuwang ang local police.

Subalit nauwi ito sa shootout nang manlaban ang target ng operation at napatay sa engkwentro ang isang alyas “Sadam” na umano ay taga-Datu Odin Sinsuat sa Mindanao.

Sugatan naman ang apat na PDEA intelligence officers na hindi muna kinilala at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa kalapit na Parañaque Medical Center.

Naaresto naman ang asawa ni Sadam na si alyas “Lalaine Pidodido”, at ang dalawang lalaking katulong sa bahay na sina alyas “Aladin Salipad” at “Binladin Untog”.

Nakuhang ebidensya ng mga awtoridad ang apat na paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa apat na kilo at may street value na aabot sa P27.2 milyon.

Nakuha rin ang isang pistola, anim na live ammunitions, isang magazine, dalawang cellphone, isang weighing scale, at humigit kumulang sa dalawang milyong pisong boodle money.

Kasalukuyan namang sinusuri ang financial transactions ng grupo makaraang makuha ang checkbook ng isang malaking banko sa bansa na kabilang sa mga non-drug evidence na sinamsam ng operating unit bukod sa dalawang kotse na umano’y pag-aari ni Sadam.

“We didn’t expect that something like that would happen. Unfortunately, that happened. But of course, our PDEA personnel are always ready for any eventuality. We thank God na hindi naman fatal wound sa ating tropa,” ani Undersecretary Isagani Nerez.

Mahaharap ang tatlong naarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.

(JESSE KABEL RUIZ)

123

Related posts

Leave a Comment