(NI JG TUMBADO)
IKINANDADO nang tuluyan nang Department of Education (DepED) Region 11 ang nasa 55 paaralan na pagmamay-ari at pinatatakbo sa buong Davao region ng Salugpungan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Centers dahil umano sa kasamang itinuturo ang ideolohiyang pang komunista sa mga mag-aaral doon.
Bago ipinatigil ang operasyon ng mga eskuwelahan nitong Biyernes, isang suspension order muna ang ipinalabas ni DepEd Region 11 Regional Director Dr. Evelyn Fetalvero base na rin sa kautusan mula kay Education Secretary Leonor Briones.
Ayon kay Jenielito Atillo, tagapagsalita ng DepEd Region 11, isa rin sa dahilan ng pagkandado sa mga paaralan ay ang kakulangan ng mga dokumento para sa pagpapatakbo ng bawat paaralan sa Davao Region.
Bagama’t may ‘permit to operate’ ang Salugpungan para sa kanilang paaralan ay hindi ito umano sapat para hindi sila ipatigil dahil may mga nakikitang paglabag sa alituntunin ng kawanihan. Sinabi ni Atillo na ang suspension order ay natanggap ng ilang school officials at kabilang mismo ni Maria Eugenia Nolasco, ang executive director ng Salugpungan School sa Davao Region noong araw ng Biyernes.
Pinasasagot ng kawanihan ang kampo ng Salugpungan sa loob ng limang araw na kung nararapat ba silang tuluyang ipasara at bakit dapat silang payagang maipagpatuloy ang kanilang operasyon alinsunod na rin sa rules and regulations para sa private schools na itinatakda ng departamento.
Pero nilinaw ni Atillo na hindi lamang umano sa isyu ng mga dokumento ang dahilan ng suspensyon sa operasyon ng Salugpungan kundi dahil na rin sa isyu ng pagtuturo sa mga mag-aaral sa ideolohiyang pang komunista.
149