HINDI lamang ang mislabelling sa isang beauty product sa Binondo, Maynila kung saan nakalagay na address ay Manila, Province of China ang dapat tutukan, kundi maging ang mga ibinebenta sa online.
Ayon kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho “Koko” Nograles, may mga sapat na batas laban sa tinatawag na “mislabelling.”
Pero sa ngayon, ang mas tutukan dapat ay ang proteksyon ng mga consumer sa mga online products.
“Existing laws are sufficient at the moment. The whole “Manila Province” issue proved that laws and penalties are in place, so as long as these are enforced,” pahayag ni Nograles.
“If there’s any legislative effort needed, it would be online consumer protection by required registration,” dagdag ni Nograles.
Marami na rin ang mga online seller ngayon na nagbebenta mula sa pagkain, hanggang sa mga gamit, gadgets at damit.
Nagsalita na ang Bureau of Internal Revenue na dapat ay magparehistro ang mga online seller para sa proteksyon ng consumers.
Matatandaan na ibinunyag ni Nograles na isang paghamak ang ginawa na paglalagay ng Province of China ang Manila, sa packaging ng isang beauty product.
Iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ), Department of Trade and Industry (DTI), at Bureau of Immigration (BI) ang mislabelling na ito. (CATHERINE CUETO)
