(BERNARD TAGUINOD)
MAKARAANG mabaon sa limot ang kontrobersyang kinasangkutan ng mga dating opisyales ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), muling bumida ang naturang tanggapan sa bisa ng isang resolusyong inihain sa Kamara.
Sa paghahain ng House Resolution 189, hinikayat ng Makabayan Bloc ang malalimang imbestigasyon kaugnay ng inilabas ng ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga sinaunang laptop ng Department of Education (DepEd) sa presyong bonggang-bongga.
Giit ng mga militanteng kongresista sa House Committee on Good Governance, katigan ang HR 189 para masampahan ng kaukulang kaso ang mga mapatutunayang sangkot sa naturang anomalya.
Sa ilalim ng inihaing resolusyon, partikular na tinukoy ng Makabayan Bloc ang bulilyasong ibinisto ng COA. Una nang sinabi ng COA na masyadong mataas ang presyo ng mga sinaunang Dell laptop computers na binili ng gobyerno sa halagang P58,300 kada piraso.
Sa pagsusuri ng naturang ahensya, lumalabas na naglalaro lamang sa P22,490 hanggang P25,000 ang presyo kada piraso ng mga anila’y “antik” ng laptop.
Bagamat walang pagtutol ang COA sa pagbili ng mga laptops na pakay ipagamit sa mga guro, nagpahayag naman ng panghihinayang ang naturang ahensya. Anila, mas marami sanang laptops ang nabili ng P2.4 bilyong pondo kung hindi ganun kamahal ang presyong pinagbayaran ng PS-DBM.
Sa pagtataya ng COA, 68,500 units ng Dell laptops – at hindi 39,583 units – ang katumbas ng naturang halaga.
“Teachers are especially hurt by this anomaly because while they even have to borrow money to buy a laptop for their classes, billions have been spent on this anomalous deal,” ayon sa Makabayan Bloc.
Nito lamang nakalipas na taon, sentro ng atensyon ng Senado at Kamara ang PS-DBM na diumano’y nakipagsabwatan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation sa mahigit P10-bilyong halaga ng procurement deal para sa mga overpriced at dispalinghadong personal protective gears ng mga frontliners sa kasagsagan ng pandemya.
109