Hindi lang test kits para sa COVID 19 PINAS, KAPOS DIN SA HEALTH WORKERS

IKINABABAHALA ni Senador Win Gatchalian ang kakulangan ng health workers sa gitna ng public health emergency na kinakaharap ngayon ng bansa dahil sa COVID-19.

Ito ay makaraang kumpimahin ni Dr. Pretchell Tolentino, chief ng DOH Learning and Development Division, na may kakulangan ang bansa ng 8,840 doktor sa mga kanayunan pa lamang.

Ginawa ito ni Tolentino sa public hearing tungkol sa mga medical scholarship kung saan ibinahagi rin ni Philippine General Hospital (PGH) Director Dr. Gerardo Legaspi na sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law, 44 na pinagsama-samang mga doktor, nurse, mga komadrona o midwives, at mga medical technologist ang dapat tumutugon sa pangangailangan ng bawat 10,000 katao.

Sa kasalukuyang lagay ng bansa, 19 medical workers lamang mula sa pribado at pampublikong sektor ang nakalaan para sa bawat 10,000 katao.

Upang mapunan ang kakulangang ito, iminungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mas maraming scholarships para sa maraming mahusay ngunit nangangailangang mag-aaral upang makatanggap sila ng edukasyon mula sa mga pribadong institusyon. DANG SAMSON-GARCIA

116

Related posts

Leave a Comment