IMINUNGKAHI ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang hindi na paggamit ng face shields.
Nabatid na hiniling ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila City Council na pinamumunuan ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, na pag-aralan ang posibilidad nang hindi na paggamit ng publiko ng face shields sa Maynila
“Pina-aaral ko na sa konseho kasi gastos lang ‘yan sa tao eh. Antabayanan ninyo,” ayon sa alkalde.
“Ginagawa lang headband, tumatalsik, ‘yung matatanda nadadapa, nahihirapan huminga tapos basura pa. Last year, lito tayo, lahat naiintindihan ko pero ngayon may siyentipikong pag-aaral na eh,” dagdag pa nito.
Samantala, sinabi ng alkalde na patuloy ang pagbibigay ng lungsod ng Remdesivir sa mga may malala o kritikal na kaso ng COVID-19.
Sa kabila na kaunti na ang stock ng Tocilizumab, tiniyak ni Moreno na tinatrabaho na nila na makabili ng karagdagang supply.
Nagbibigay umano ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng libreng Tocilizumab kahit sa mga hindi taga Maynila.
“August pa tayo bumili but it is not guaranteed na makakakuha tayo sa October. Si Vice Mayor Honey Lacuna, talagang inaantabayanan niya ‘yan,” pahayag ni Moreno. (RENE CRISOSTOMO)
