HINDI na makalalabas sa kulungan ang heinous crime convict na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez gamit ang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ito ang tiniyak kahapon ng Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ng sponsor ng kanilang budget sa susunod na taon sa plenaryo ng mababang kapulungan ng Kongreso na si Bulacan Rep. Jonathan Alvarado.
Sa interpelasyon ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, inamin ni Alvarado na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng GCTA subalit hindi umano sakop sa bagong manual si Sanchez at iba pang mga heinous crime convict.
“Mr. Speaker, yung dalawang (Sanchez at iba pang heinous crime convict) nabanggit Representative Gaite ay hindi po mapawawalang sala dahil sa good conduct dahil sa heinous crime po,” ani Alvarado.
“Hindi po sila sakop dun sa sinasabing bagong manual Mr. Speaker,” dagdag pa ni Alvarado kaya walang pag-asang makalabas sa kulungan si Sanchez at iba pang nasintensyahan sa karumal-dumal na krimen tulad ng mga drug lord.
Magugunita na naging kontrobersyal ang GCTA nang makarating sa kaalaman ng mga kagawad ng media na kasama si Sanchez sa mga nakatakdang makalabas ng kulungan dahil dito.
Dito rin nabuko na ilan sa mga heinous crime convict ay napalaya nang maaga kahit hindi pa tapos ang kanilang sentensya kaya sinuspinde ang implementasyon ng GCTA.
Lalong naging kontrobersyal ang GCTA dahil sa mga alegasyon na ibinebenta ito sa mayayamang preso kaya binago ang manual.
Si Sanchez ay 25 taon nang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa panggagahasa at pagpatay sa mga estudyante ng UP Los Banos na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993. (BERNARD TAGUINOD)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)