HINDI PULITIKA SOLUSYON SA PROBLEMA SA TUBIG SA SJDM

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI madali ang mawalan ng tubig. Sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat pamilya sa San Jose del Monte, Bulacan, ang tulo ng gripo ay hindi simpleng kaginhawaan kundi batayang pangangailangan. Kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit ramdam na ramdam ng mga residente ang epekto ng mga nakalipas na taon ng kawalan at mababang kalidad ng supply ng tubig.

Sa kasalukuyan, dumadaan ang lungsod sa proseso ng paglipat o transition mula sa dating tagapaghatid ng serbisyo na Primewater/Hiraya patungo sa isang mas may karanasang water utility company. Sa alinmang malaking pagbabago sa pasilidad, natural na may umusbong na panandaliang giwang o technical difficulties. Ang pag-aayos ng sirang sistema ay hindi tila magic wand na sa isang kaway lang ay maglalaho na ang problema. Nangangailangan ito ng teknikal na proseso, sapat na panahon, at higit sa lahat, kaunting pasensya mula sa publiko.

Mahalagang linawin na ayon sa umiiral na patakaran, ang pamamahala at distribusyon ng tubig ay nasa ilalim ng pambansang ahensya at ng mismong water district—wala ito sa direktang sakop ng Office of the Mayor. Sa kabila nito, pinili pa rin ni San Jose del Monte Mayor Ate Rida Robes at ng lokal na pamahalaan na humakbang at maghanap ng paraan upang maipaglaban ang mas maayos na serbisyo para sa mga mamamayan.

Sa gitna ng mga pagsisikap na ito, tila may ilang sektor at lokal na personalidad—tulad ng mga bumabatikos na politiko—ang mas pinipiling gamitin ang sitwasyon upang magpaingay. Ang pagpapakalat ng galit at paggamit sa usapin para sa political mileage, lalo na’t malayo pa ang susunod na halalan, ay hindi nakatutulong sa pagsasaayos ng mga linya ng tubig. Kung sa loob ng maraming taon ay walang maipresentang konkretong alternatibo o solusyon, ang pagtuligsa sa gitna ng pagbabago ay nagmumukha lamang pampulitikal na ingay.

Eh, kung titingnan ang lagay ng San Jose del Monte, sampung taon na ang nakaraan at sa kasalukuyan, makikita mo ang pagbabago dahil ito ay itinuturing na ngayong isa sa pinakamaunlad na bayan sa buong lalawigan ng Bulakan. Kaya tingin ko, kayang-kaya ng kasalukuyang pamunuan ni Ate Rida Robes ang problema ng tubig.

Sa halip na magpukol ng batikos at maghatid ng divisiveness, mas kailangan ng mga San Joseño ang konstruktibong pakikipagtulungan, at makabuluhang solusyon.

58

Related posts

Leave a Comment