‘GHOST SPENDING’ AT AUDIT PROBLEM ISYU SA OVP FUNDS HINDI ALYAS — SOLON

IGINIIT ni House prosecution panel spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi ang paggamit ng mga alyas ang ugat ng kontrobersiya sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), kundi ang umano’y maling paggasta at kawalan ng audit trail sa paggamit ng pondo ng bayan.

Ginawa ni Alonto Adiong ang pahayag bilang tugon sa naging pahayag ni Senator-Judge Robin Padilla sa impeachment trial kung saan ikinumpara nito ang mga kwestiyonableng pangalan sa acknowledgment receipts (ARs) sa mga alyas na ginamit ng mga bayaning Pilipino noong panahon ng Kastila upang protektahan ang kanilang sarili.

“I think those national heroes whose aliases were referenced would probably be rolling in their graves after their nom de guerre were mentioned in the same context as the allegation of misuse of confidential funds,” ani Alonto Adiong.

Binigyang-diin niya na ang tunay na isyu ay ang pananagutan sa paggasta ng pondo na kinakailangang busisiin ng Commission on Audit (COA), kahit pa sensitibo ang impormasyong sangkot.

Aniya, maaaring protektahan ang tunay na pagkakakilanlan ng mga tumatanggap ng confidential funds nang hindi nilalabag ang mandato ng COA.

Dagdag pa niya, hindi ito usapin ng nasyonalismo kundi isang problema sa audit na kinakaharap ngayon ng OVP at ng Department of Education (DepEd) noong panahong pinamumunuan pa ito ni Vice President Sara Duterte.

Iginiit naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang malaking pagkakaiba ng mga rebolusyonaryo noon at ng kasalukuyang isyu sa paggamit ng pondo.

“Yung mga bayani po natin, yung ating mga hero, e nagkaroon po at gumamit po at binansagan po ng mga ganitong pangalan dahil pinaglalaban po nila yung bansa,” ani Ortega.

Ayon naman kay Deputy Speaker Janette Garin, bagamat maaaring gamitin ang alyas para sa mga lehitimong impormante sa sensitibong operasyon, hindi nito inaalis ang obligasyon na patunayan ang tunay na pinaggamitan at resulta ng pondo.

“Ang tanong: saan ba ginamit?” ani Garin. “Kapag alias ang output, kung alias ang isang programa, isa lang ang ibig sabihin doon: ghost ang naging paggastos ng confidential fund.”

Gamot sa Informants Unusual

SAMANTALA, sinabi ni House prosecution spokesperson Robert Ace Barbers na hindi katanggap-tanggap at labas sa karaniwang proseso ng pamahalaan ang pagpapalabas ng daan-daang libong pisong pondo para sa gamot ng mga impormante nang walang kaukulang resibo at malinaw na detalye.

Ginawa ni Barbers ang pahayag matapos ang testimonya ni Office of the Vice President (OVP) Assistant Secretary and Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sa impeachment trial.

Ayon kay Ortonio, direktang ibinigay ang pera sa mga impormante o ahente upang sila na ang bumili ng mga medical supplies at pagkain.

Gayunman, aminado si Ortonio na hindi na niya nakita ang mga opisyal na resibo para sa mga biniling gamot dahil wala siyang direktang kaalaman sa implementasyon nito.

“Para sa akin, hindi usual iyong P200,000, P150,000, P170,000 na ganoon-ganoon mo lang ibibigay at sasabihing para sa gamot,” ani Barbers.

“Dapat ma-produce, ano ba ang sakit, ano ba ang gamot na pinabili sa iyo?” dagdag niya.

Lumitaw sa mga rekord ng confidential funds na umabot sa kabuuang P122 milyon ang inilaan para sa medical at food aid sa ilang quarterly releases na P40 milyon, P42 milyon at P40 milyon.

Sinusuri ngayon kung awtorisado, totoo, sapat ang dokumentasyon at wasto ang paggamit ng nasabing pondo.

Binatikos din ni Barbers ang depensa ng kampo ni Vice President Sara Duterte na “normal” ang ganitong sistema at matagal na itong ginagawa sa tanggapan.

(TINA MENDOZA)

56

Related posts

Leave a Comment