ANG SALITA NG DIYOS AY HINDI KAILANGANG IPILIT

GEN Z ni LEA BAJASAN

NAKITA ko ang diskusyon tungkol sa taong sinita ng security guard habang nagbabahagi ng “Word of God” sa loob ng tren. Marami ang nagsabing trabaho ng isang mananampalataya ang mangaral at hindi dapat siya pinipigilan. Naiintindihan ko naman iyon. Pero para sa akin, may hangganan din ang pangangaral, lalo na kapag nasa pampublikong lugar ka.

Hindi ako tutol sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Kung gusto mong magbahagi ng iyong pananampalataya, wala akong problema roon. Ang problema ko ay kapag ginagawa ito sa lugar kung saan hindi naman lahat ay pumunta para makinig. Sa tren, magkakasama ang maraming tao na may magkakaibang relihiyon at paniniwala. Hindi mo alam kung sino ang gustong makinig at sino ang gusto lamang bumiyahe nang tahimik.

Kaya para sa akin, respeto lang.

Hindi naman simbahan ang LRT. Hindi rin ito lugar na pinuntahan ng mga tao para makinig sa pangangaral. Sumakay ang mga tao dahil may pupuntahan sila. May papasok sa trabaho, may papasok sa klase, may uuwi, at may taong maaaring pagod na pagod na at gusto lamang ng tahimik na biyahe.

Hindi rin ako sang-ayon sa pagsasabing kapag sinita ka ng guard, ibig sabihin ay ayaw nila sa Salita ng Diyos. Hindi natin alam kung iyon ba talaga ang dahilan. May mga patakaran ang railway system para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero. Bahagi rin ng trabaho ng security guard ang magpatupad ng mga patakarang iyon.

At mahalaga ring maging patas tayo rito. Wala akong nakitang malinaw na opisyal na patakaran ng LRT na nagsasabing bawal mismo ang pangangaral tungkol sa relihiyon.

Kaya hindi rin tama na sabihin agad na lumabag ang taong iyon sa isang partikular na patakarang nagsasabing bawal ang pangangaral. Kung may ibang dahilan ang guard sa pagsita, iyon ang dapat nating pagtuunan.

Pero kahit walang tahasang patakaran laban sa pangangaral, hindi ibig sabihin na wala nang dapat isaalang-alang. May ibang tao sa tren. May karapatan din silang magkaroon ng tahimik na biyahe nang hindi napipilitang makinig sa isang mensaheng hindi naman nila hinahanap.

Kung gusto mong mangaral, marami namang paraan. Puwede kang makipag-usap sa taong interesado. Puwede kang pumunta sa simbahan. Puwede kang magbahagi online.

Puwede kang magbahay-bahay kung pinapayagan at maayos ang paraan. Hindi naman mawawala ang Salita ng Diyos dahil hindi mo ito sinabi sa loob ng tren.

At sana, huwag din tayong maging mapanghusga. Kapag may taong ayaw makinig, hindi ibig sabihin na ayaw niya sa Diyos. Baka ayaw lang niyang makinig sa oras na iyon.

Magkaiba ang dalawang bagay.

Ganoon din sa mga taong may ibang relihiyon. Hindi dahil iba ang kanilang paniniwala ay mali na agad sila. Iba-iba ang paraan ng pag-intindi ng tao sa kanilang pananampalataya. Puwede tayong maniwalang tama tayo nang hindi kailangang maliitin ang paniniwala ng iba.

Para sa akin, kung ang layunin ay ipakita ang pagmamahal ng Diyos, dapat makita rin iyon sa paraan ng pakikitungo natin sa ibang tao.

Hindi kailangang ipilit ang pananampalataya para maipakita na mahalaga ito sa iyo.

Minsan, sapat nang malaman kung kailan magsasalita, kung kailan makikinig, at kung kailan igagalang ang katahimikan ng ibang tao.

66

Related posts

Leave a Comment