HINDI SUKATAN NG HUSAY ANG PAGIGING “TERROR”

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY napanood akong video ng isang guro na todo ang pagpiga sa mga estudyante habang nagtatanggol ng kanilang research. Hindi para linawin ang sagot ng mga tanong kundi para ipitin. May halong yabang ang tono, na para bang ipinagmamalaki ang kaba ng kausap. May salitang madalas ikabit sa ganitong uri ng guro: terror. Hindi iyon dapat ipinagmamalaki. Kapag takot ang ginagamit na paraan ng pagtuturo, hindi na iyon disiplina. Pananakot na iyon.

Kinasusuklaman ko ang mga gurong ipinagmamalaki na terror sila. Madalas nilang sabihin na normal lang ang mang-pressure, na hindi nila gustong maging panelist, at ang takot daw ang nagpapahusay sa estudyante. Pero kabaligtaran ang totoo.

Kapag takot ang estudyante, humihinto ang malinaw na pag-iisip. Nawawala ang tapang na magtanong. Ang natututuhan ay kung paano makaiwas sa mali, hindi kung paano umunawa.

Naranasan ko mismo ito noong high school. Habang dinedepensahan namin ang aming research, mas iniisip namin kung paano makalulusot kaysa kung malinaw ba ang paliwanag namin. Inaangkop namin ang sagot sa reputasyon ng guro, hindi sa mismong tanong. Nakatuon kami sa posibilidad na bumagsak, hindi sa pagkatuto. Kung tutuusin, kakaiba iyon. Ang depensa ay dapat para sa kaalaman. Pero madalas, nagiging pagpapakita lang ng kapangyarihan.

Dito nagsisimulang lumaki ang problema. Ang research ay hindi lang requirement. Isa itong paraan ng pag-iisip. Tinuturuan nito ang estudyante na magtanong, magsuri, magkamali, at magbago ng direksyon. Pero maraming estudyante ang natututong kamuhian ito dahil sa paraan ng pagtuturo. May mga panel na hinahatak ang papel ayon sa sarili nilang gusto, hindi ayon sa tanong ng estudyante. Ang paggabay ay nagiging panghihimasok. Ang usisa ay nagiging pagsunod. Kapag ganito ang nangyayari, napuputol ang pagkatuto.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit pakiramdam ng maraming estudyante, ang edukasyon ay parang laban para mabuhay. Hindi na nila itinatanong ang gusto nilang malaman. Ang tanong ay kung ano ang ligtas sabihin. Hindi na sila nag-eeksperimento.

Nanghuhula na lang sila. Hindi kumpiyansa ang nabubuo, kundi takot. Mas lumalala pa ito kapag ginagawang content ang loob ng silid-aralan. May mga gurong nagbi-video ng depensa o talakayan at ipino-post online. May umiiral na mga patakaran tungkol sa propesyonal na asal at paggalang sa pribasiya ng estudyante. Ang klase ay hindi palabas. Ang estudyante ay hindi eksena. Kahit pa takpan ang mukha, hindi nawawala ang kapangyarihang hawak ng guro.

Hindi pareho ang pagiging mahigpit at pagiging mahusay. Ang mahusay na guro ay nagtatanong nang mabigat pero makatarungan. Ipinaliliwanag kung bakit mahalaga ang tanong. Tinutulungan ang estudyante na umusad kapag sablay ang sagot. Hinahamon nang hindi dinudurog. Hindi nila ipinagkakamali ang pananakot bilang husay. May mga nagsasabing dapat gawing opsyonal ang research.

Naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang galit na iyon. Kapag ang research ay ginagawang parusa, nawawala ang saysay nito. Kapag ang mga humahawak nito ay hindi rin bihasa, nauuwi sa lakas ng boses at titulo ang paghusga. Hindi garantiya ang ranggo. Ang mahalaga ay alam mo ang ginagawa mo at may malasakit kang magturo.

Iniisip ko ang isang silid na mahirap ang tanong pero patas. Kung saan puwedeng huminga ang estudyante at mag-isip muli. Kung saan nakikinig ang panel, hindi naghihintay ng mali. Kung saan may natututunan kahit nagkakamali. Hindi takot ang bunga ng ganitong silid. Pag-iisip. At iyon ang dapat na layunin ng edukasyon.

 

5

Related posts

Leave a Comment