FULL DISCLOSURE HIRIT SA NAG-LEAK NA BRC REPORT SA FLOOD CONTROL SCANDAL

NAGHAIN si Atty. Eldrige Marvin B. Aceron ng Petition for Full Disclosure ng Draft Committee Report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa imbestigasyon sa flood control projects, alinsunod sa karapatan ng sambayanang Pilipino sa impormasyon ukol sa mga bagay na may pampublikong interes sa ilalim ng Article III, Section 7 ng Saligang Batas.

Inihain ni Aceron ang petisyon matapos ilabas ng ilang media outlet ang mga detalye ng nag-leak na draft report noong gabi ng Pebrero 3, 2026, kung saan nabatid na inirekomenda ng Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson, na sampahan ng kasong plunder at malversation of public funds ang ilang nakaupo at dating senador at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Noong Pebrero 4, 2026, pormal na binawi nina Senador Juan Miguel Zubiri, Joseph Victor Ejercito, at Win Gatchalian ang kanilang mga lagda sa draft report — na siyang nagtulak sa kahilingan ng petisyon na obligahin ang tatlo na magsumite ng kanilang mga dahilan nang nakasulat.

Ang petisyon ay naglalaman ng anim na kahilingan, kabilang na ang paglalabas ng buo at walang tinanggal (unredacted) na draft ng Blue Ribbon Committee Report.

Dapat ding panatilihin ang lahat ng bersyon, kabilang ang orihinal na draft na pirmado bago ang tatlong pagbawi at obligahin sina Zubiri, Ejercito, at Gatchalian na ilahad nang nakasulat kung bakit nila binawi ang kanilang mga lagda.

Nais din ng petisyon na bigyan ng isang certified true copy sa Ethics Committee para sa mga nakabinbing reklamo laban kina Escudero at Ejercito.

Bahagi rin ng panawagan ang pag-inhibit ni Ejercito sa lahat ng Ethics proceedings na may kinalaman kay Senador Escudero.

May 347 indibidwal na ang lumagda bilang co-signatories, kabilang sina Constitutional Commissioner Ed Garcia at National Artist Virgilio S. Almario. Maaari ring sumali ang taumbayan sa petisyon sa pamamagitan ng pag-email sa incoming5@apvlaw.net o pagtawag sa 0917 5919782.

Noong Oktubre 2, 2025, naghain si Atty. Aceron ng isang beripikadong ethics complaint laban kay Escudero, na nagdodokumento ng P30 milyong campaign donation na tinanggap nito mula kay Lawrence Lubiano at ng ₱16.67 bilyong kontrata ng pamahalaan na iginawad sa Centerways Construction ni Lubiano.

Makaraan ang 125 araw, nabigo pa rin ang Senate committee on Ethics and Privileges, na pinamumunuan ni Ejercito, na magtalaga ng case number, magbigay ng anomang pagkilala (acknowledgment), at umaksyon sa reklamo.

Noong Enero 22, 2026, naghain si Atty. Aceron ng ikalawang reklamo — laban kay Senador Ejercito mismo — dahil sa Gross Neglect of Constitutional Duty sa kabiguang iproseso ang reklamo laban kay Escudero. (EG)

21

Related posts

Leave a Comment