DAVAO City – Patay ang isang babae makaraang saksakin ng kanyang hipag na itsinismis umano ng biktima na nanlalaki sa Sitio Kinawayan, Brgy. Baganihan, Marilog District.
Agad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Irene Pepe Oral, residente ng nabanggit na lugar.
Hindi naman umabot nang buhay sa Central 911 clinic ang biktimang si Delia Lintobad Mamayas dahil sa matinding sugat sa katawan.
Naninindigan ang suspek na self-defense ang nangyari dahil una umano siyang inatake ng biktima.
Batay sa salaysay ni Oral, bigla siyang sinunggaban ng biktima habang siya ay papunta sa sakahan kaya tumakbo siya at nagtago sa bahay ng kapatid.
Gayunman, hinabol umano siya ni Mamayas at tinangkang paluin ng kahoy na panggatong.
Bunsod nito, napilitan umano ang suspek na pagsasaksakin ang biktima.
Makaraan ang insidente ay agad namang sumuko ang suspek sa mga awtoridad.
Nabatid sa imbestigasyon na dati nang may samaan ng loob ang maghipag dahil sa tsismis na may kabit umano ang suspek. (JESSE KABEL)
181
