TOTOY KALABOSO SA PAGRE-REPACK NG MARIJUANA

CAVITE – Bunsod ng hindi pagsusuot ng face mask, nabisto ang isang 16-anyos binatilyo habang nagre-repack ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Bacoor City.

Hawak na ng Bacoor City Social Welfare Development (CSWD) ang suspek na si alyas “Kyle” ng nasabing siyudad.

Ayon sa ulat ni Pat. Marco Cupo ng Bacoor Police, dakong alas-6:30 ng gabi noong Miyerkoles habang nagpapatrulya ang mga barangay tanod sa Brgy. Molino 2, Extension, Bacoor City nang maispatan nila ang binatilyo na walang suot na face mask habang nakaupo sa isang bakanteng lote.

Nang lapitan ng mga awtoridad para pagsabihan ay nakita itong may hawak na tupperware na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana na umano’y nire-repack nito naging dahilan upang ito ay arestuhin.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa City Ordinance 68-2020 dahil sa hindi pagsusuot ng facemask, at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (SIGFRED ADSUARA)

421

Related posts

Leave a Comment