HIRAP MONG MAHALIN, PILIPINAS!

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HABANG nagmamahalan ang presyo ng mga bilihin, huwag nating kaligtaang ipahiwatig ang pag-ibig sa isa’t isa ngayong Araw ng mga Puso.

‘Yang mahal na bilihin, masakit sa bulsa, pero ‘yang mahal na galing sa puso ay nakaliligaya.

Ayan, kung nangangamba kayo sa Friday the 13th, aba, magsaya at magmahal naman kayo ngayong Friday the 14th dahil espesyal na araw ito sa mga nagmamahal, may minamahal o maging sa mga ika nga loveless.

Masaya nga ba ang mga Pinoy? Batay sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 46 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing masayang-masaya sila sa buhay pag-ibig.

Ayan, kulang pa sa kalahati ng mga Pinoy ang masayang-masaya sa kanilang love life.

Ayon sa survey, ito na ang pinakamababa sa nakalipas na 20 taon. Baka kasi dahil mas mahal mabuhay ngayon kaysa umibig.

Ano naman ang inaasam na regalo ng mga Pinoy ngayong Valentine? Pag-ibig at pagsasama raw ang nangungunang regalo sa Valentine’s Day na gustong matanggap ng mga Pinoy.

Sinundan ito ng kahit anong regalo mula sa puso at bulaklak sa mga lalaki, at pera at bulaklak sa mga babae.

Aba, sinapawan ng pag-ibig at pagsasama ang pera, na noong isang taon ay nanguna sa listahan ng mga Pinoy.

Tumpak ‘yan. Ang katorse ng Pebrero ay araw ng mga puso, hindi araw ng mga peso. Pero, hirap ng buhay ngayon ah. Basta, maging masaya at makulay ang araw n’yo, larga na. Walang maiwang nag-iisa.

Kaya lang, iwas sa love scam. Uso nga ngayon ang mahal. Sa palengke, marami. Namumula sa kulay ang presyuhan ng mga paninda.

Ang mga konsyumer naman napapamura, ‘yung murang galing sa bibig.

o0o

Larga na mga politiko sa kani-kanyang gimik para sa eleksyon sa Mayo.

Pipili na naman ang sambayanang Pilipino ng mga iluluklok sa gobyerno.

Kung pagbabasehan ang mga survey, hindi exciting ang magiging resulta ng halalan. Pano kasi mukhang malabong magpalit ng mukha ang mga nanunungkulan. Sila-sila pa rin.

Sabi ng mga netizen: Hirap mong mahalin Pilipinas!

Kung babasahin ang reklamo sa social media, mararamdaman mo ang kawalan na ng pag-asa ng marami. Sa mga tumatakbo ngayon, mangilan-ngilan lang ‘yun mga walang bahid ng katiwalian.

Mga hindi nasangkot sa korupsyon o pangungurakot sa gobyerno. Ang malungkot, nasa dulo sila ng listahan ng mga botante.

May pag-asa pa nga ba ang Pilipinas? Patunayan natin ngayong eleksyon na OO, babangon pa tayo.

24

Related posts

Leave a Comment