HINILING ng kampo ni Deniece Cornejo na sa Taguig City Jail pansamantalang ikulong ang aktor na si Vhong Navarro, habang nililitis, kasabay ng pagkuwestiyon kung bakit nananatili siya sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI).
Igiit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cornejo, dapat sa Taguig City jail ikulong si Navarro, bilang pagsunod sa batas, makaraang masampahan ng kasong rape at acts of lasciviousness .
Nabatid pa na ang mga puwede lang makulong sa NBI ay ang mga naaresto ‘in flagrante delicto’ o nahuli sa akto sa paggawa ng krimen at iniimbestigahan sa tanggapan ng NBI.
Matatandaan, naglabas ang Taguig Regional Trial Court Branch 69 ng ikalawang warrant of arrest laban kay Navarro sa kasong rape na walang inirekomendang piyansa.
Kinuwestiyon ito ng kampo ni Navarro dahil sa wala umano silang natanggap na commitment order mula sa korte at resolusyon na basehan nito.
Nangako sila na maghahain ng petisyon para makapagpiyansa ang aktor upang pansamantalang makalaya. (RENE CRISOSTOMO)
