PEKENG DSWD EMPLOYEE TIKLO SA 4Ps SCAM

ARESTADO ang isang babaeng pekeng empleyado ng Department of Social Welfare Development (DSWD) at nagre-recruit ng mga magiging kasapi ng 4Ps, sa entrapment operation sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Iniharap sa mga mamamahayag nina Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr. at Caloocan Police chief, Col. Ferdinand Del Rosario, ang suspek na si Myra Mangitngit, 43, ng Brgy. 12, Caloocan City.

Ayon kay Del Rosario, nakatanggap sila ng reklamo mula kina Ruth Mediana at isang Mrs. Racquel, Product Development Officer ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Navotas City, na nagpapanggap ang suspek bilang Product Development Manager ng DSWD.

Nagre-recruit umano ang suspek ng mga tao para ipasok ng trabaho sa DSWD kapalit ng halagang P3,050 bilang processing fee at iba pang gastusin para sa medical examination, documentation, RT-PCR test, nameplate at uniform.

Bukod dito ay ginogoyo rin umano ni Mangitngit maging ang mga dukha na ipapasok bilang miyembro ng 4Ps program ng gobyerno kapalit ng salapi.

Dagling isinagawa ng Intelligence Unit ng Caloocan City Police ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa labas ng kanyang bahay dakong alas-9:30 ng madaling araw matapos tanggapin ang P3,050 marked money mula sa isang undercover.

Dagdag ni Del Rosario, umabot na sa mahigit P600,000 ang natangay ng suspek sa mga biktima na pawang mga residente ng mga lungsod ng Caloocan at Malabon, at isa sa mga ito si Maribeth Sendito, 41, na kapitbahay ng suspek na natangayan ng mahigit P70,000. (ALAIN AJERO)

150

Related posts

Leave a Comment