ISINUSULONG sa mababang kapulungan ng Kongreso na ibigay na ng Social Security System (SSS) ang karagdagang P1,000 pensyon ng senior citizens.
Ito ay dahil ang matatanda umano ang vulnerable sa coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, “Lives of seniors may be at stake here especially with the spread of COVID 19,” kaya dapat aniyang ibigay na sa mga ito ang karagdagang P1,000 na dalawang taon na umanong atrasado.
Magugunita na noong 2016 ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P2,000 na dagdag sa mga SSS pensioner kung saan ibinigay ang unang P1,000 noong Enero 2017.
Ipinangakong ibibigay ang karagdagang P1,000 noong Enero 2019 subalit ipinagpaliban ito dahil wala umanong sapat na pondo ang SSS at iikli ang buhay ng nasabing state insurance.
Dahil dito, nagpasa ng panukala ang Kamara na mag-oobliga sa SSS na ibigay na ang karagdagang P1,000 pero hindi ito naging batas kaya tanging sa pakiusap na lamang idinadaan ang apela para matulungan ang matatanda lalo sa panahong ito na delikado sila sa nabanggit na virus.
BERNARD TAGUINOD
187 