HIROTIGER INTERNATIONAL TINATAWAGAN NG PANSIN

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

MULI na namang umalingawngaw ang panawagan ng ating mga kababayang manggagawa sa ibang bansa. Isa na rito si Lilia Mae Abawan, 33-taong gulang, tubong North Cotabato, na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon sa kanyang salaysay, nakararanas siya ng pisikal at verbal na pang-aabuso mula sa kanyang among babae, at higit pang nakababahala ang sekswal na pagmomolestiya mula sa kanyang among lalaki.

“Sinasaktan po ako, binabastos at hinihipuan ng amo kong lalaki. Ito na po ang pangalawang employer ko rito. Matagal na po akong nagrereklamo sa agency pero wala pong aksyon o tulong,” pahayag ni Lilia Mae sa kanyang mensahe.

Bukod sa pananakit, idinetalye rin niya ang tila torture na ipinagagawa sa kanya: pinapupunta siya araw-araw sa malayong tindahan kahit tirik na tirik ang araw o kaya naman hatinggabi na.

“Sa katanghaliang tapat, sobrang init po ay pinapapunta ako sa tindahan. Alam niyang pagod ako sa pagtatrabaho, nakapagkape lang ako at kumain ng tinapay para magpahinga, pero bigla niya akong inuutusan. Kahit dis-oras ng gabi, pinapapunta pa rin ako, kahit nakahiga na ako,” dagdag pa niya.

Si Lilia Mae ay unang idineploy ng Hirotiger Inter Agency Inc. sa Pilipinas at sa kasalukuyan ay hawak ng Sofraa Recruiting Agency sa Riyadh. Ngunit ayon sa kanya, kahit paulit-ulit ang pagsusumbong niya sa kanyang ahensya, tila walang ginagawang aksyon ang mga kinatawan nito.

Umaasa si Lilia Mae na mabibigyan siya ng agarang tulong para sa kanyang repatriation at paglaya mula sa mapang-abusong employer.

Kasama ng kanyang mga mahal sa buhay, partikular ang kanyang kapatid na si Patricia Abawan, nananawagan sila sa mga ahensiya ng gobyerno, lalo na sa OWWA at Department of Migrant Workers, na agarang tugunan ang kalagayan ng kanilang kaanak.

Ilan pa kayang OFW ang kailangang magtiis ng ganitong uri ng kalupitan bago magkaroon ng mabilis at konkretong aksyon? Ang sigaw ng ating mga kababayan: Proteksyon, hindi kapabayaan.

Sa mga kabayani na ibig magparating ng kanilang sumbong at paghingi ng tulong, huwag po kayong mag-atubili na ipadala ang inyong kwento at detalye sa aming email address na ofwjuan@yahoo.com.

57

Related posts

Leave a Comment