PAGTAPOS SA PHARMA UNFAIR PRACTICES, HUSTISYA SA MGA PASYENTE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LUMILINAW na ang hustisya para sa mga pasyente na napipilitang tanggapin ang mga reseta ng doktor para sa mga gamot mula sa pinapaborang pharma company.

Kamakailan, ipinag-utos ng Professional Regulation Commission (PRC) kina Dr. Viannely Berwyn Formilleza Flores at Dr. Luis Raymond Tinsay Co, na magsumite ng kanilang ‘counter-affidavit’ bilang sagot sa isinampang reklamo ng dating congressman at health advocate na si Erin Tañada.

Binibigyan ang dalawang respondent ng 10 araw matapos matanggap ang ‘summon’ para sagutin ang reklamo at makaiwas sa posibilidad na default.

Hindi malilimutan ang Bell-Kenz Pharma MLM scheme na binisto sa Senado noong nakaraang taon. Doon natin nakita kung paanong pinapalitan ng “perks” at insentibo ang integridad at panata ng ilang manggagamot. Ang dapat na pagtulong, nauwi sa pagtutulak ng produkto. At ang pasyente? Naiwan na lamang bilang customer, hindi bilang taong nangangailangan ng paggaling.

Nasapawan ng mas malalaking kontrobersiya ang isyu kaya nanahimik, pero binuhay ni Tañada ang usapin at nagsumite ng pormal na reklamo sa PRC nitong Hulyo 17.

Bilang kongresista, siya ang may-akda ng Universal Health Care (UHC) bill, na isinusulong ang kaligtasan at pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ng mga Pilipino.

At malinaw para kay Tañada na ang mga doctor na sangkot sa MLM scheme ay tahasang nagbalewala sa kalusugan at kaligtasan ng mga pasyente.

Intensyon ng administrasyong Marcos na palakasin ang healthcare system sa bansa, kasama ang sapat na akses sa dekalidad ngunit murang gamot para sa mamamayan.

Kaya ang aksyon ng PRC ay malinaw ring nagbigay ng katuturan sa intensyong ito ng pamahalaan.

Kung ang PRC na nagbabantay sa gawain ng mga propesyunal ay magiging tameme at hahayaan ang kuntsabahan sa mga ospital sa bansa, hindi ba’t tahasan na rin nitong sinira ang tapat na adhikain ng administrasyong Marcos na palakasin ang healthcare system sa bansa?

Kapag naging matatag ang PRC na matutukan ang isyu batay sa reklamo ni Tañada, maaaring maging daan ito para sa ating mga mambabatas na isabatas ang Philippine version ng US Stark Law – na nagbabawal sa mga doktor na magreseta ng mga gamot kapalit ng matatanggap na mga regalo.

Sana nga para magkaroon ng takot ang pharma companies, habang mapipilitan ang mga doctor na ireseta ang tugma at murang gamot na makabubuti sa mga pasyente.

Sana pa rin, tuluyan nang masawata ang hindi patas at kabilanin na gawain hinggil sa isyu ng reseta.

Kung hindi ito pinansin ni Tañada, baka tuluyan nang nabaon sa limot ang isyu.

Hindi lang ito usapin ng disiplina ng propesyon, kundi usapin ng tiwala ng publiko sa buong health system.

64

Related posts

Leave a Comment